ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 10, 2024
Dear Sister Isabel,
Napilitan akong sumangguni sa inyo kahit ayoko sanang malaman ng iba na may anak akong special child.
Itinago namin siya sa publiko, at inilayo sa aming lugar. Kumuha kami ng yaya na mag-aalaga sa kanya.
Madalas naman kaming bumibisita roon at natutulog kami roon simula Lunes hanggang Biyernes. Kapag Linggo naman ay ipinapasyal namin siya.
Napansin namin na habang lumalaki siya, mas lalo siyang nagiging bayolente. Lagi niyang sinasaktan ang kanyang yaya hanggang sa dumating sa punto na wala ng yaya na tumatagal sa kanya. Sinubukan din namin siyang kuhaan ng tutor para sa katulad niya, pero wala ring nangyari.
Nagpakonsulta na rin kami sa doktor, at nagkaroon naman ng kaunting development sa kanya.
Ano kaya ang dapat naming gawin, Sister Isabel? Alam kong mapapayuhan n'yo ako para mag-improve kahit papaano 'yung katayuan ng anak kong special child.
Nagpapasalamat,
Bella ng Pampanga
Sa iyo, Bella,
Unang-una hindi n'yo dapat hiniwalay sa inyo ang anak mong special child.
Hindi n'yo siya kailangang itago sa publiko. Ang dapat sa kanya ay tratuhin bilang normal na bata. Iparamdam mo sa kanya ang pagmamahal bilang ina.
Hayaan n'yo rin siyang makihalubilo sa pamilya n'yo. Huwag mong iasa lang sa yaya.
Makikita mo, kapag naramdaman niya ang pagmamahal, atensyon at normal na kapaligiran sa piling ng kanyang pamilya, hindi na siya magiging bayolente.
I-enroll mo rin siya sa school for special child dahil nakasisiguro ako na magiging malaki ang improvement niya at may posibilidad na maging normal din ang kilos at behavior niya.
Lakipan mo rin ng dasal. Mamanata ka sa Mahal na Birhen, Sto. Niño, St. Therese at iba pang santo o santa na mapaghimala. Gayundin sa Diyos Amang Kataas-taasan.
Pananalig, katatagan, at pag-asa, ang dapat mong ipatupad sa buhay mo bilang isang ina na mayroong special child na anak.
Magagawa mo 'yan, at nakatitiyak ako na magiging normal din ang iyong anak. Sa paglipas ng mga araw, magugulat ka na lang normal na ang ugali at gawi ng special child mong anak. Umaasa akong susundin mo ang payo ko. Hanggang dito na lang, ipagdarasal ko rin ang anak mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comentarios