ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Dec. 23, 2024
Photo: Robin Padilla - FB
Unti-unti nang nagkakaroon ng linaw ang pagsusulong ni Sen. Robin Padilla na i-legalize ang medical cannabis or medical marijuana sa Pilipinas.
Matagal nang ipinu-push ni Sen. Robin ang Senate Bill (SB) No. 2573 or the Cannabis Medicalization Act of the Philippines pero dahil marami ang kumokontra rito ay hindi ito umuusad.
“Sa matagal na panahon po lagi po itong umaabot ng third reading sa House pero pagdating po sa Senate hindi po ito tumatakbo. Siguro po dahil sa generation gap dahil matagal sa panahon na ‘yung mga nakaupo rin sa ‘ting Senado, sa ‘tin pong mataas na Kapulungan ay medyo nakatatanda,” pahayag ni Sen. Robin sa presscon na ginanap kamakailan.
“Ang mga nakaupo po ngayon na mga senador ay mas kaedad po natin, mas naiintindihan na po nila kung ano ang benepisyo ng cannabis. Kaya po ngayon, umabot na po kami sa interpellation,” aniya.
Nasaksihan mismo ni Robin ang bisa ng medical cannabis sa mga taong may sakit nang magpunta siya sa Israel at Prague kamakailan.
“Nu’ng magpunta po ako du’n, medical cannabis ang kanilang ginagamot po sa number one, sa kanilang mga matatanda, sa pain, cancer and old people.
“When I went to Israel, I went to the lab (laboratory), they showed me the difference between recreational and medicinal cannabis. Kasi alam n’yo ‘yung recreational, kahit saan lang ‘yan.
“Pero iba po ang medical, malinis, lahat. Ine-explain po nila ‘yun. Ipinakita nila kung ano ang hitsura ng lab nila o paano ginagawa ‘yung oil, malinis po talaga,” kuwento niya.
Dinala rin daw siya sa nursing home ng Israel at nakita niya rin mismo na ginagamit ang cannabis oil sa mga inaalagaang mga Israeli roon.
“Nakita ko talaga, eh. So, bumalik ako dito, ikinuwento ko sa Senado. Medyo mayroon pa rin silang konting tanong. Pumunta naman ako ng Prague. Kasi magkaiba, eh. Bawat bansa, iba ang kanilang pamamaraan.
“Sa Prague, ang specialty nila is not oil, capsule ang kanila. Pero same lang din,” paliwanag niya.
Bukod nga sa magandang naidudulot nito sa ating kalusugan, very affordable pa raw ang medical cannabis at kayang-kaya ng ating mga mahihirap na kababayan.
“Ito na ang pinakamura at pinakaepektibo na puwede pong i-subsidize ng gobyerno,” aniya.
Hindi raw tayo dapat matakot kung may mga taong aabusuhin ang medical marijuana dahil wala raw itong negative effect sa ating kalusugan at nakakabuti pa nga.
“Panahon na para ma-realize ng ating mga kababayan na ang panahon ng marijuana, eh, tapos na po ‘yan. Ngayon po ay medical cannabis na,” aniya.
Aminado naman siyang noong araw ay na-try na rin daw niya ang recreational marijuana.
“Siyempre, na-experience natin ‘yung recreational noong araw pa. Hindi naman tayo nagsisinungaling, ano? That is why I’m the ‘Bad Boy of The Philippine Movies’ (tawag sa kanya noon). We experienced everything.
“Pero siyempre, iba ‘yung medical cannabis. We cannot compare medical cannabis to recreational marijuana, malayung-malayo po,” aniya.
Naniniwala si Sen. Robin na maaaprubahan din sa Senado ang Cannabis Medicalization Act of the Philippines dahil marami na rin daw senador ang kanyang kakapit-bisig at sumusuporta sa bill na ito.
Samantala, humarap din sa presscon ang mga scientist and doctors na sina Dr. Shiksha Gallow, Dr. Romeo Quijano, and Dr. Angel Joaquin Gomez para ipaliwanag ang medical cannabis at ang magandang naidudulot nito sa mga taong may sakit.
Opmerkingen