top of page
Search
BULGAR

Todo-silbi sa mister pero nambabae pa rin, suko na pero worried sa mga anak

ni Isabel del Mundo - @ Mga kuwento ng buhay at pag-ibig| March 24, 2021



Dear Sister,

Hi, kumusta kayo? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Itatanong ko kung bakit ganito ang buhay ko, marami akong pasanin, lalo na sa asawa kong nambabae sa kabila ng buhos-buhos kong pagsisilbi sa kanya at pagsasakrispisyo sa aming mga anak? Minsan, naiisip kong umalis, pero paano ang mga anak ko? Sana’y mapayuhan n’yo ako.


Gumagalang,

Mrs. Gomez ng Samar Leyte


Sa iyo, Mrs. Gomez,

Base sa iyong pahayag, nakikita at nararamdaman kong nagkukulang ka sa pagdarasal. Wala kang panahon upang mag-ukol ng kahit kaunting sandali sa Panginoon kaya dumaranas ka ng maraming pagsubok sa buhay kung saan sa sandaling malagpasan mo, makakamit mo ang walang hanggang pagpapala.


Maganda ang ilalaan ng Diyos sa iyo kung hindi ka mawawalan ng pag-asa at patuloy na mananalig nang walang alinlangan sa kapangyarihan Niya dahil malalampasan mo ang mga pagsubok sa buhay. Alalahanin mo na hindi lamang tao ang hingi nang hingi ng pabor sa Diyos kung dumaranas ng matinding hirap. Ang Diyos man ay uhaw din sa ating pagmamahal at pagbibigay-puri sa Kanya sa pamamagitan ng pagdarasal, pagsisimba at pagtulong sa kapwa sa abot ng ating makakaya.


Kaya ngayon din, ‘wag mo nang ipagpaliban pa ang pagsisimba o pagdarasal sa harap ng iyong altar. Humingi ka ng patawad sa Diyos sa hindi pag-uukol ng kahit kaunting panahon sa Kanya. Gayundin, sikapin mong magdasal bago matulog kasama ng iyong mga anak at asawa. Alalahaning ang pamilyang sama-samang nagdarasal ay pagpapalain habambuhay. Paparating na ang suwerte sa taong ito, kaya panatilihin mo ang mabuting gawa.


Palagi mong isipin na sinumang nasa panig ng kabutihan, siya ang magwawagi sa anumang dagok ng buhay. Iwasang maging pabagu-bago ang isipan at kung ano ang unang naiisip, ‘yun ang dapat ipatupad.


Tungkol naman sa asawa mong nambababae, huminto ka sandali at magnilay-nilay, baka naman napabayaan mo na ang iyong katawan? Baka naman pagdating ng gabi na kayo’y magkatabi, hindi ka na kapana-panabik halikan o yakapin man lang? ‘Wag mong sabihin na pagod ka maghapon at gusto nang mamahinga o matulog agad. Sa buhay mag-asawa, hindi dapat mawala ang lambingan kahit saglit o simpleng yakap o halik man lang. Ayusin mo ang iyong sarili, maglaan ng pahinga bago dumating asawa mo mula sa trabaho. Panatilihing mabango ang sarili, magsuot ng damit na kaakit-akit sa pagtulog nang sa gayun ay ma-enjoy n’yo ang magdamag at palaging maging sabik na umuwi ang mister mo at hindi na humanap pa ng iba, gayundin upang matigil na ang pambababae at sa halip, ituon na lamang ang kanyang panahon sa inyong pamilya. Nawa’y makatulong ang munti kong payo sa iyo. God bless you more and more!


Matapat na sumasaiyo,

Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page