ni Lolet Abania | July 1, 2021
Hinimok ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benhur Abalos ang mga employers at mga manggagawa na magpabakuna na kontra-COVID-19 kasabay ng maraming indibidwal na pinababalik na sa kanilang mga trabaho.
Sa Laging Handa public briefing, ipinunto ni Abalos ang kahalagahan ng lahat ng empleyado na may proteksiyon laban sa virus sa gitna ng pagluluwag sa mga restriksiyon at para hindi na kumalat pa ang sakit.
“Ako’y nananawagan sa employer, sa ating mga kababayan, na sana, magpabakuna tayo. Iba na rin ‘yung protektado ka at bakunado ka. Lumuluwang tayo pero [we need to be] responsible here,” ani Abalos.
Ayon kay Abalos, tinatayang 4 milyong residente sa National Capital Region ang nakatanggap na ng COVID-19 vaccines, kung saan mahigit sa 3 milyon katao ang nabakunahan ng first dose at mahigit 1 milyong indibidwal naman ang nakakuha na ng second dose.
Aniya pa, ang average vaccination na isinasagawa sa rehiyon kada araw ay nasa 114,000.
Comentarios