ni Justine Daguno - @Life and Style | October 30, 2021
Karamihan sa atin, goal ang magkaroon ng stable na career, sariling saksakyan, sariling bahay at lupa, mag-asawa at bumuo ng sariling pamilya pagdating ng adulthood stage. Pero sa totoo lang, hindi ‘yun ganu’n kadali dahil upang makuha ang mga life goals na ‘yan, marami pa tayong dapat unahin at number one r’yan ang pagiging financially stable. Bago pumasok sa panibagong stage ng buhay, paano nga ba malalaman kung ready o financially stable na tayo?
Nairto ang ilang signs para masabing achieved na ang financial stability:
1.HINDI NA PANG-SURVIVE ANG SAHOD. Marami sa atin ang kapit sa suweldo para maka-survive sa buhay. Hirap kumilos o magplano dahil palaging naghihintay na makasahod muna. Pero kapag financially stable na, hindi na ito pang-‘survival mode’.
Meaning, 3-days mula ngayon o next week man ang payday ay wa’ paki o tipong nakaalis na sa ‘gapang stage’ dahil kaya nang kumain ng masarap kahit wala pang suweldo.
2. MAY SAVINGS ACCOUNT NA. Importanteng magkaroon ng ipon dahil mahirap tumanda o mag-level-up sa buhay kung tuwing suweldo lamang may pera. ‘Wag pumayag na nasa adulting stage na ay “isang kahig, isang tuka” pa rin dahil sobrang mali ‘yun. Kaya naman, kung nagkakalaman at stable na ang savings account natin, congrats dahil isang check na financially stable na tayo!
3. MERONG EMERGENCY FUND. Bukod sa ipon ay may emergency fund na rin. Ito ay hiwalay na ipon na siyang pinagkukunan ‘pag may nangyaring hindi inaasahan.
Kumbaga, may magkasakit man o mawalan ng trabaho, anytime ay may mahuhugot at hindi na kailangang mamrublema sa pera o umutang nang umutang.
4. MERONG PAMBAYAD SA BILLS. Isa sa mga bagay na dapat ika-proud bilang financially stable ay ‘pag updated palagi sa mga bayarin. Wala nang kaba ‘pag may kumatok para sa reading ng tubig, kuryente, internet at iba pa dahil naka-ready na agad ang mga pambayad o meron na talagang monthly budget para sa bills.
5. MERONG LIFE/HEALTH INSURANCE. Kung ‘yung iba ay dedma sa mga insurance dahil sa kaisipang, “Mas oks mag-YOLO dahil bagets pa,” ibahin natin ang mga taong financially stable, meron silang life at health insurance kahit young adults sila. Tandaan, mas mura ang insurance habang bata pa at mas malaki naman ang amount na makukuha sa pagtanda.
6. WALA NANG UTANG. Financially stable na ‘pag wala na tayong utang o hindi na kailangang mangutang pa. Nalagpasan na ang mga panahong walang-wala o hirap na hirap humanap ng ipambabayad sa mga utang. ‘Yun nga lang, madalas ay tayo na ang gustong utangan ng iba. Chos!
7. NAKATULONG NA SA PAMILYA. Pamilyado man o hindi, kapag kaya na nating tumulong financially sa mga magulang o kapatid na nangangailangan nang hindi masyadong nako-compromise ang mga personal expenses, good sign ‘yan na na-reach na natin ang financial adulthood.
Tandaan na ang pagiging financial stable ay hindi lamang basta goal na pagkatapos makamit ay tapos na. Dapat itong maging parte ng lifestyle na mine-maintain dahil ayaw nating bumalik sa panahong gipit na gipit o tipong hingi lang nang hingi. Oks magkaroon ng sariling pera, lalo na kung nagagamit ito ng tama.
Gets mo?
Comments