ni Ambet Nabus @Let's See | Feb. 19, 2025
Photo: Direk Lino Cayetano
Kahanga-hanga ang pagiging honest at straightforward ni Direk Lino Cayetano na umamin ngang hindi pa sila lubos na nagkakabating magkakapatid na sina Sen. Alan Peter at Sen. Pia Cayetano lalo’t sasabak na naman siya sa pulitika this year.
Sa pa-salu-salo na inorganisa ng mag-inang Roselle Monteverde at Atty. Keith Monteverde ng Regal Entertainment para kay Direk Lino kasama ang mga kaibigan sa entertainment media, naikuwento niya ang tila ‘challenge’ na kinakaharap ng pamilya nila nang dahil sa pulitika.
“Hindi kami magkakaaway. Nagkakausap naman kami, pero ‘yun nga, may mga usapin sa pulitika na nako-compromise ‘yung relasyon namin. But I am praying na kahit sa last minute ng campaign ay makakatanggap ako ng endorsement from them,” bahagi ng paliwanag ni Direk Lino.
Tumatakbong independent candidate si Direk Lino bilang congressman para sa distrito ng Taguig-Pateros.
Minsan na rin siyang naging mayor ng Taguig at naranasan ng mga Taguigueño ang serbisyo niya lalo na noong pandemic. Subalit nang dahil sa pakiusap ng Kuya Alan niya, hindi na siya tumakbo para sa ikalawang termino to give way sa sister-in-law niyang si Lani Cayetano.
“Si Ate Lani (kasalukuyang mayor) ang ipinakiusap sa ‘kin ni Kuya Alan and I obliged. Sa isang libo naman kasing mga programa o proyekto na nais naming gawin, marahil ay may dalawa o tatlong bagay lang kaming hindi pinagkakasunduan. The rest, magkakasama kami at nagkakaisa. At the end of the day, we are still family,” dagdag pa ng kilalang direktor at producer.
Medyo masalimuot nga ang laban ngayon ni Direk Lino na may mga programa rin para sa showbiz na nais niyang isulong sa Congress once ma-elect.
Pero dahil independent candidate nga siya at may ibang kaalyado ang sarili niyang kapamilya na makakatapat niya sa laban, “I just wish po talaga na makakuha pa rin ako ng suporta nila,” ang medyo nalulungkot nitong pahayag.
Pinabulaanan din ni Direk Lino na disqualified siya as candidate.
“Maybe that’s the doing of some people na kalaban ko. As we talk now, nasa balota na po ang name ko as per the Comelec bilang official candidate ng Taguig-Pateros district. Kaya nga po nagpapasalamat ako kina Roselle at Atty. Keith for this salu-salo with you (showbiz media) dahil bukod sa kilala ninyo na ako at nakakatrabaho, malaking bagay ‘yung maipapahayag po sana ninyo sa mga tao ang tunay na sitwasyon ko,” sey pa ni Direk Lino.
Kahanga-hanga ang katapatan niya. Wala siyang binanggit na anumang kasiraan maging sa mga makakalaban niya sa pulitika dahil aniya, “It’s just one day of voting. After ng botohan, mas dapat nating tingnan ‘yung mga susunod na araw na ma-implement ang mga programa. Sa kaso ko, mas pinili ko ang sa Kongreso dahil alam naman ninyong mahal na mahal ko rin ang showbiz. At least, magagawa ko pa rin ang work ko rito kahit nasa Kongreso ako.”
Hay, ito tuloy ang nasabi namin, “Sana taga-Taguig-Pateros na lang kami kung ganito ka-honest ang gustong maging public servant.”
BINABATI naman natin ang nag-iisang King of Talk na si Kuya Boy Abunda dahil muli siyang nag-renew ng kanyang kontrata sa GMA-7.
Kahapon, Feb. 18 (Martes) ay muli ngang sinelyuhan nina Kuya Boy at ng mga matataas na ehekutibo ng Kapuso Network ang pagiging Kapusong muli ng TV host.
Kasabay pa nito ang nalalapit na selebrasyon ng kanyang top rating show na Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), na inaasam ng marami na madaragdagan ng oras dahil laging may “bitin” moment ang mga fans/supporters at regular nitong manonood.
Present sa renewal of contract event ang GMA-7 president na si Sir Gilberto Duavit, Jr. at SVP for Entertainment Group na si Ma’am Lilybeth Rasonable at iba pang mga executives.
Pinapapurihan ng mga matataas na opisyal ng network ang kakaibang istilo sa pagsasalita, ang integridad, husay at reliability ng isang Boy Abunda, kaya’t mananatili itong isang Kapuso na siya naman talaga niyang “orihinal” na tahanan.
Mula po rito sa amin sa BULGAR, congratulations, Kuya Boy! Mabuhay ka!
Comments