ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | June 25, 2023
KATANUNGAN
1. May nililigawan akong babae ngayon, kaya lang ay nahihiya ako sa kanya. Hindi ko siya kayang kausapin ng personal, pero sa text ay okey naman kami, pero pag-video call na wala na akong masabi, at pareho kaming nagkakahiyaan.
2. Kaya ba ganito ay dahil mahal ko siya at mahal niya rin ako?
3. Siya na kaya ang una kong magiging girlfriend? Siguro nga ganu’n talaga, kapag mahal na mahal mo ang isang tao, mahihiya ka talaga sa kanya. Maestro, ganu’n ba talaga ‘yun
4. Ano ang dapat kong gawin, para mawala na ang kaba at hiya sa akin?
KASAGUTAN
Ayon sa kinukwento mo, Jonell, mukhang malabo mong maging girlfriend ang nasabing babaeng nililigawan mo, dahil sa kasalukuyan ay hindi kayo nakaka-established ng “rapport”.
Oo, wala pang “rapport” ang inyong ugnayan, at ito ay mahalaga upang mabuo ang isang matimyas at masarap na pagmamahalan.
Sa pagliligawan at pakikipag-ugnayan sa ibang tao, kailangan natin magkaroon ng rapport, upang magkaroon ng intimacy.
Ang “rapport” ay nangangahulugang sa umpisa pa lang ng inyong pag-uusap ay dapat na magaan ang loob niyo sa isa’t isa, at mas maganda kung hindi pa kayo nag-uusap ay magaan na agad ang loob niyo.
Kapag ganyan ang sitwasyon, mas magiging makabuluhan at mas masarap ang relasyong papasukin ninyong dalawa.
Samantala, ganito ang nais sabihin ng guhit ng iyong palad: Mababasted ka sa kasalukuyan mong nililigawang babae o ‘di kaya habambuhay ka nang ganyan, hanggang sa dumating ang sandali na magka-boyfriend na siya ng ibang lalaki. ‘Yan ang ibig sabihin ng maliit na bilog o island sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda rin na hindi naman dahil sa iyong katorpehan, bagkus ang totoong dahilan ay dahil hindi ka lang makapagsalita kapag personal mo nang kausap o kaharap ang iyong nililigawan.
MGA DAPAT GAWIN
Jonell, ang dapat na gawin mo pag manliligaw ka ay unang-una ‘wag mong iisipin na crush na crush mo iyong babae para hindi ka mahiya.
Huwag na huwag mo ring ilalagay agad sa kukote mo na mahal mo siya, dahil kapag nagka-ganu’n, siguradong mahihiya at matatakot ka lang na kausapin siya.
Sa halip, ituring mong pangkaraniwan lang ang babaeng crush mo, at ‘wag mo ring iisiping sobrang ganda niya. Kapag ganyan, hindi mo talaga makakayang kausapin ang nasabing babae.
Sa halip, tulad ng nasabi na, lagi mong isiping, “Balewala ang babaeng ito at siya ay pangkaraniwang babae lang at hindi mo siya gaanong gusto kaya kahit magkamali ka sa kanya ay okey lang, wala ka namang halos pakialam sa nasabing babae o wala ka namang gusto sa kanya?”
Kapag ganyang konsepto ang naipaloob mo sa iyong isipan, makikita mo, kapag may nagustuhan ka muling babae, isipin mong hindi mo siya gaanong gusto at balewala talaga siya sa iyo, makakausap mo na siya nang suwabeng-suwabe at matino hanggang sa maka-established kayo ng rapport. ‘Pag may rapport ka na, hindi ka na mauunahan ng hiya at takot.
Minsan para lumakas ang iyong loob, kailangan mo ring lokohin ang sarili mo. Dahil ‘pag lagi kang tapat sa sarili mong damdamin, tulad ng nangyayari at mangyayari pa, hindi mo talaga makakausap ang babaeng crush na crush at mahal na mahal mo, dahil nga natatakot kang magkamali sa sasabihin mo sa kanya.
Sa sandaling nagawa mo ang mga nabangit sa itaas, Jonell, ayon sa iyong datos, sa susunod mong panliligaw, (Huwag mo nang intindihin ang kasalukuyan mong nililigawan, dahil tiyak na mababasted ka lang), ngunit makalipas ang ilang taon, dahil marunong ka nang mambola o sa ibang salita ay marunong ka ng makipag-usap sa mga babae tiyak ang magaganap isang babaeng isinilang sa zodiac sign na Taurus ang kusang magkakagusto sa iyo at magiging first girlfriend mo, kahit na halos wala ka namang ginawa. Mangyayari at magaganap sa susunod na taong 2024 sa buwan ng Mayo o Abril sa edad mong 24 pataas, (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).
Comments