ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 14, 2022
Dear Sister Isabel,
Kumusta kayo? Sana ay palagi kayong nasa mabuting kalagayan, gayundin ang mga mahal n’yo sa buhay. Gusto kong humingi ng payo tungkol sa boyfriend kong nasa Korea.
Halos isang buwan na kaming walang komunikasyon, pero bago siya umalis, nangako siyang magpapakasal kami pagkatapos ng dalawang taon na kontrata niya.
Sa umpisa ay palagi kaming magkachat, pero bigla akong nawalan contact sa kanya. Gayundin, walang makapagsabi sa akin kung nasaan na siya ngayon. Nagtanong na ako sa agency niya, pero hinahanap pa rin daw nila ang boyfriend ko dahil hindi nila matukoy kung nasaan siya.
Ano ang dapat kong gawin? Nag-aalala na ako sa kanya, gayundin ang pamilya niya.
Nagpapasalamat,
Thelma ng Lucban, Quezon
Sa iyo, Thelma,
Makabubuting ireport n’yo na sa Philippine Embassy sa Korea ang pagkawala ng boyfriend mo. Malaki ang maitutulong nito upang matukoy nila kung nasaan siya. Huwag ka rin masyadong mag-alala dahil baka maapektuhan ang kalusugan mo at magkasakit ka pa.
Sa aking karanasan noong ako ay nasa abroad, karamihan du’n ay nakikipag-live-in nang palihim. Kakuntsaba nila ang mga kaibigang Pinoy na hindi makakarating sa Pilipinas ang pakikipag-live-in sa kapwa nila Pilipino. May asawa man o wala, ang usapan ay hanggang du’n lang, tapos pagdating sa Pilipinas ay dedma na. Siyempre, mahusay namang magtago ng lihim ang mga Pinoy, kaya may posibilidad na ganyan ang nangyari sa boyfriend mo.
Ang dapat mong gawin ay magdasal nang taimtim na kayo pa rin ang magkatuluyan at pakasalan ka niya sa kanyang pag-uwi kung matatanggap mo pa siya at ganu’n pa rin ang pagmamahal niya sa iyo sa kabila ng inyong pagkakalayo.
Kung may ibang dahilan bukod sa sinabi ko sa iyo, dasal pa rin ang makakatulong upang maligtas siya sa anumang panganib at kapahamakan.
Tumawag ka sa Diyos, magdasal ka nang buong taimtim at tiyak na diringgin Niya ang iyong panalangin.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments