top of page
Search
BULGAR

Tiyaking ligtas sa COVID-19 ang mga batang apektado ng nagdaang mga bagyo

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 19, 2020



Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, hinihimok ng inyong lingkod ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan na siguruhin ang kaligtasan ng mga batang apektado ng mga nagdaang bagyo, lalo na ngayong patuloy ang banta ng COVID-19 sa kanilang kalusugan.

Ayon sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (UN OCHA), sa nagdaang super typhoon na Rolly pa lang, higit pitong daang libo nang mga bata ang apektado. Nagbabala rin ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) dahil karamihan sa mga apektadong bata, kabilang ang kanilang pamilya ay mas nanganganib na mahawaan ng COVID-19 dahil siksikan sa mga evacuation centers.


Dito pumapasok ang kahalagahan ng pagpapatupad ng Comprehensive Emergency Program for Children (CEPC) na nabuo sa ilalim ng Republic Act No. 10821 o ang Children’s Emergency Relief and Protection Act. Sa ilalim ng batas, ang CEPC ang magsisilbing gabay sa pagtaguyod sa pangangailangan ng kabataan sa gitna ng mga sakuna.


Sa ilalim din ng naturang batas, mandato sa mga lokal na pamahalaan na gawing bahagi ang CEPC sa kanilang mga plano at budget sa Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM).


Ilan sa mga aspeto ng CEPC ang pagkakaroon ng child-friendly spaces sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity. Bahagi rin ng programa ang pakikipag-ugnayan ng Department of Health (DOH) sa DSWD, mga lokal na pamahalaan at civil society organizations para tugunan ang mga pangangailangang pang-kalusugan ng mga kabataan, kabilang na ang psychosocial interventions.


At dahil layon ng CEPC ang agarang paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, gamot, sanitary at hygiene kits, nararapat na magpamahagi rin ito ng mga face masks, alcohol at sanitizers sa mga bata at kanilang pamilya.


Bukod dito, isa pang panukalang-batas na ating isinusulong ay ang Senate Bill No. 747 na layong magpatayo ng mga permanent evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.


Kapag naisabatas, bukas ang bawat evacuation center sa lahat ng mga naapektuhan ng bagyo, pagbaha, storm surge, epekto ng tagtuyot, sunog, lindol, pagsabog ng bulkan at iba pang mga malalaking sakuna. Ito ay upang maiwasan ang paggamit sa mga classroom at maiwasan ang patuloy na pagkaantala sa pagbabalik ng mga mag-aaral sa klase.


Ngayong bumabangon ang bansa mula sa pinsalang dulot ng nagdaang mga kalamidad, patuloy dapat na tutukan ang pangangailangan at kaligtasan ng kabataan, lalo na ang mga nawalan ng tahanan dahil sa hagupit ng magkakasunod na bagyo.


Higit sa lahat, mahalagang manatili ang pagtutulungan at tungkulin ng pamahalaan na protektahan ang mga kabataang mag-aaral at kanilang pamilya mula sa panganib ng COVID-19.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page