ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 9, 2022
Ganap nang batas ang panukala natin sa Senado na lumilikha sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II). Ikinatutuwa natin ito dahil ito ay isang hakbang na tutugon sa krisis sa edukasyon sa bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11899 na naging ganap nang batas noong Hulyo 23, ang EDCOM II ay magsasagawa ng komprehensibong pagrepaso at pagsuri sa performance ng sektor ng edukasyon, kabilang ang pagsunod sa mga mandatong nakasaad sa batas na lumikha sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ang naturang pagrepaso ay magrerekomenda ng mga reporma upang maiangat ang pagiging competitive ng bansa sa education at labor markets. Magmumungkahi rin ang gagawing pagrepaso ng mga solusyong tutulong sa mga ahensya ng edukasyong iangat ang kanilang performance at maghatid ng abot-kaya at dekalidad na edukasyon batay sa mga pandaigdigang pamantayan.
Napapanahon na ang pagtatatag ng EDCOM II upang wakasan ang krisis sa sektor at tiyakin na makatatanggap ang ating mga mag-aaral ng dekalidad na edukasyon. Sisiguraduhin nating ang Komisyon ay magdudulot ng mahahalagang repormang mag-aangat sa kalidad ng edukasyon sa bansa at tiyaking handa ang ating mga mag-aaral na makipagsabayan sa ibang bansa.
Ang learning poverty sa bansa ay mahigit 90 porsyento na ayon sa isang ulat ng UNICEF, UNESCO at ng World Bank na pinamagatang “Where are we on Education Recovery?” Ibig sabihin nito ay siyam sa 10 Pilipinong may edad na 10 ay hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kuwento.
Isa ang inyong lingkod sa magiging mga Co-Chairperson ng Komisyon. Titiyakin natin na ang Komisyon ay tututok at magiging epektibo sa pagtukoy sa mga hamon sa sektor ng edukasyon at pagmungkahi ng mga kinakailangang reporma.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments