top of page
Search
BULGAR

Tiyakin ang sapat na pondo para sa ALS at SPED

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 18, 2022


Kasalukuyang isinusulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng sariling line items para sa Alternative Learning System (ALS) at Special Education (SPED) program. Mahalagang matutukan at matugunan upang matiyak nating may mapagkukunan ng pondo ang mga naturang programa.


Ipinanawagan natin ito noon pang nagdaang pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang budget ng Department of Education (DepEd) at mga attached agency nito para sa Fiscal Year 2023. Bagama’t nagpanukala ang DepEd ng P532 milyong pondo para sa SPED, wala namang nakalaang pondo para sa programa sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP). Ang pondo naman ng ALS ay bahagi ng flexible learning options (FLOs).


Batay sa datos ng DepEd noong Marso 14, 2022, nasa 126,598 ang bilang ng mga mag-aaral na may kapansanan na naka-enroll sa mga paaralan ng DepEd para sa School Year (SY) 2021-2022, mas mababa ng 65 porsyento sa 360,879 na naitala noong School Year 2019-2020. Para sa SY 2021-2022, nasa 472,869 ang mga mag-aaral na naka-enroll sa ALS, mas mababa ng 38 porsyento kung ihahambing sa bilang na naitala bago sumiklab ang pandemya.


Sa nagdaang 18th Congress, ang inyong lingkod ang may akda at ang nag-sponsor sa Republic Act No. 11510 (ALS Act) na layong i-institutionalize, patatagin at palawigin ang programang ALS. Ito ay para mabigyan ng karagdagang oportunidad ang mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples, upang paigtingin ang kanilang basic at functional literacy at life skills. Layon din ng naturang batas na bigyan ang mga mag-aaral ng pagkakataong makatapos ng kanilang pag-aaral.


Tayo rin ang nag-sponsor at isa sa mga nag-akda ng Republic Act No. 11650 o ang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.” Dito, binibigyan ng mandato ang mga pribado at pampublikong paaralan na tiyakin na ang bawat mag-aaral na may kapansanan ay mayroong equitable access sa dekalidad na edukasyon. Nakasaad din sa batas na walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng edukasyon dahil lamang sa kapansanan.


Nakita na natin ang epekto ng pandemya at pagsasara ng mga paaralan sa mga mag-aaral ng ALS at mga learners with disabilities, kaya naman talagang higit na kinakailangan nila ngayon ng suporta.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page