top of page
Search
BULGAR

Tiyakin ang kapakanan ng mga estudyante ngayong F2F

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 26, 2022


Ngayong Nobyembre 2 ay sisimulan na ng mga pampublikong paaralan ang pagdaraos ng limang araw na face-to-face classes kada linggo. Ang mga pampribadong paaralan ay maaari namang magsagawa ng blended learning. Batay ito sa Department Order 44 na nilagdaan ni Vice-President at Department of Education Secretary Sara Duterte.


Suportado natin ang desisyon ng ehekutibo at tiwala tayo sa kakayahan nilang ipatupad ito nang maayos. Gayunman, muli tayong nananawagan sa pamahalaan at sa mga school authorities na tiyakin ang kalusugan at kapakanan ng mga estudyante sa kanilang pagbabalik sa mga silid-aralan.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health at miyembro ng Senate Committee on Basic Education, bagaman at nararanasan na natin ngayon ang bahagyang pagbaba ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 at marami na sa sektor ng ekonomiya ang nagbabalik sa kanilang normal na operasyon, napakahalaga na mapangalagaan ang buhay ng lahat ng Pilipino at makontina ang panganib na dala ng pandemya, lalo na sa kabataan.


Hinihimok natinang lahat na siguruhin ang kapakanan at kalusugan ng mga estudyante sa gitna ng pagpapatupad ng full face-to-face classes sa bansa. Naiintindihan natin na importante ang edukasyon dahil ito ang tanging puhunan sa mundong ito. Kaya kapag nagkakaloob po ang aking tanggapan ng ayuda sa mga komunidad, pinapayuhan at hinihikayat ko ang mga bata na patuloy na mag-aral kahit na may krisis tayong hinaharap.


Gayunman, gawin natin ito sa ligtas na paraan. Ipinapaalala natin sa pamunuan ng mga paaralan at maging sa mga guro na mahigpit na ipatupad ang Required Health Standards for COVID-19 Mitigation na magkatuwang na inilabas ng DepEd at ng Department of Health ngayong magkakasama na muli sa loob ng silid-aralan ang mga guro at estudyante.


Dapat maimplementa ito nang maayos para hindi malagay sa alanganin ang kaligtasan at kalusugan ng mga kabataan. Kahit ayaw nating maantala ang klase nila, importanteng ligtas ang mga estudyante. Health and safety pa rin ang importante. Sa kagustuhan nating makapag-aral ang mga bata, huwag nating kalimutan na unahin palagi ang interes, kapakanan at buhay nila at ng bawat Pilipino.


Palakasin din natin ang pagbabakuna sa mga komunidad. Ngayong puwede nang magpabakuna ang mga edad mula lima hanggang 18, sana ay mas lalong paigtingin natin ang vaccination drive para mas maraming kabataang Pilipino ang mabakunahan, lalo na ngayong patuloy na lumalabas ang mga bagong variants at subvariants ng COVID-19.


Bilang magulang din, prayoridad nating proteksyunan ang mga bata. Unang-una, hindi maikakailang mayroon pa ring mga hindi pa bakunado. Pangalawa, hindi natin kontrolado 'yung galaw nila at pangatlo, baka mag-back to zero na naman tayo kung sakaling magkahawahan na naman.


Kaya ngayon na puwede nang magpabakuna ang mga bata, huwag nating sayangin ang oportunidad na ito na proteksyunan sila. Palagi nating alalahanin na hindi kaya ng gobyernong mag-isa ang laban kontra pandemya. Mahihirapan din ang mga frontliners kung darami na naman ang maoospital. Ang pagkontina sa paglaganap ng virus ay nagsisimula sa ating pagiging mga responsableng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapabakuna at pagsunod sa health and safety protocols.


Napakahalaga na palaging naipatutupad ang mga patakaran para matulungan ang mga lokal na awtoridad at ang mga eskwelahan sa ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes. Kung kakailanganin, maglagay tayo ng dagdag-safety officers sa mga paaralan at iba pang pampublikong lugar para masigurong nasusunod ang minimum health standards. Huwag din nating kalimutan ang mga natutunan natin sa nakaraang mga taon tulad ng contact tracing at iba pang disease control mechanisms.


Proteksyunan natin ang kabataang Pilipino. Sila ang pag-asa ng ating bayan at ng mga susunod pa nating henerasyon. Bukod sa tamang edukasyon na magiging puhunan nila sa buhay, magtulungan din tayo para mabigyan sila ng mas ligtas at komportableng buhay sa hinaharap.


Ilayo natin sila sa masasamang bisyo, tulad ng ilegal na droga, engganyuhin natin silang pumasok sa mga mas produktibong gawain tulad ng sports — “Get into sports, stay away from drugs!”, ‘ika nga — at gabayan natin ang kanilang landas para maging mabuting mamamayan para sa kanilang mga magulang, pamilya at bayan.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page