top of page
Search
BULGAR

Tiyakin ang kapakanan ng mga ALS Learners at teachers

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 14, 2023

Mahalaga ang pagpapatuloy ng edukasyon, anuman ang edad o estado sa buhay. Kaya naman, patuloy na ginugugulan ng panahon ng inyong lingkod ang pagtataguyod ng mga programa at pasilidad para sa pagsusulong ng Alternative Learning System (ALS), kung saan una natin itong itinaguyod sa Lungsod ng Valenzuela noong ako’y nanilbihan bilang alkalde ng siyam na taon.


Noong 2020 ay pinalawak at pinalaki pa natin ang ALS Barangay Parada sa Valenzuela. Sinimulan natin ang pagpapatayo sa dalawang karagdagang palapag kung saan matatagpuan ang karagdagang pitong silid-aralan at multi-purpose hall kung saan ginaganap ang mga pagsasanay at ilang mga aktibidad para sa mga estudyante at mga guro.


Ang Republic Act No. 11510 (ALS Act) na iniakda ng inyong lingkod, ang siyang nag-institutionalize sa ALS. Ang programa ay isang impormal na sistema kung saan nagsisilbi itong alternatibo sa pormal na sistema ng edukasyon sa bansa. Bahagi ng ALS ang mga ‘di-pormal na mga paraan ng pagbabahagi ng kaalaman na nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga kababayan nating hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral, kabilang ang mga out-of-school children in special cases, mga nakatatanda, indigenous peoples, children in conflict with the law, at mga may kapansanan. Sa ilalim ng batas sa ALS, pinapaigting ang basic at functional literacy at life skills ng mga sumasailalim dito.


Sa pamamagitan ng batas, inaasahan nating ang bawat mag-aaral na produkto ng ALS ay nagpapamalas ng kanilang talino at kakayahan. Mapapatunayan nating walang imposible sa taong determinado na handang suungin anuman ang pagsubok para sa kanyang mga pangarap.


Bukod sa mga ALS learners, mahalaga rin na marinig natin ang boses ng ating mga ALS teachers.


Pinag-aaralan na natin sa ngayon ang isang panukalang batas na planong amyendahan at gawing angkop sa kasalukuyang panahon ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Maglalagay tayo ng mga bagong probisyon na tiyak na magtataguyod sa kapakanan ng mga public school teachers — kabilang na ang pagbibigay ng special hardship allowance sa mga mobile teachers at ALS teachers.


Isusulong din natin na mabigyang proteksyon ang mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses at pagsasagawa ng mga non-teaching tasks. At siyempre, kasama sa pagtataguyod sa mga kapakanan ng mga guro ang pagbibigay sa kanila ng longevity pay.


Ipinapakita ng programang ALS ang mensahe ng katatagan, pagbabago, at pag-asa na hindi lamang para sa mga ALS learners kundi para rin sa kanilang mga pamilya, komunidad, at buong bansa. Sama-sama natin itong ipagmalaki, at sama-sama nating gawing inspirasyon ang kanilang tagumpay upang mas marami pang kababayan natin ang mahikayat na magpatuloy sa pag-aaral.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating sisiguruhing makakatanggap ng suporta ang mga mag-aaral at guro ng ALS upang hindi sila mapagkaitan ng magandang kinabukasan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page