top of page
Search
BULGAR

Tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa gitna ng banta ng Omicron variant

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 06, 2022



Kasunod ng muling pagpapataw ng Alert Level 3 sa Metro Manila dahil sa tumataas na kaso ng Omicron variant, mariing nananawagan ang inyong lingkod na itaguyod at tutukan ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.


Bagama’t hindi pinahihintulutan sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 ang face-to-face classes sa basic education, nananatili pa rin ang panganib sa mga guro at mag-aaral, lalo na’t patuloy na kumakalat ang nakahahawang Omicron variant. Kaya dapat magsagawa ng regular na COVID-19 testing sa ating mga guro, lalo na’t patuloy silang nagtatrabaho sa kabila ng pagsuspinde sa face-to-face classes.


Para maprotektahan ang mga mag-aaral ay kailangang paigtingin ng pamahalaan ang pagbabakuna ng kabataang may edad 12 hanggang 17. Sa isang pagdinig sa Senado na isinagawa noong Disyembre 17, iniulat ng Department of Health (DOH) na may 7.1 milyon sa 12.7 milyong kabataang may edad 12 hanggang 17 ang nakatanggap na ng isang dose ng COVID-19 vaccine. Samantala, may 2.7 milyon naman ang itinuturing nang fully vaccinated.


Kamakailan ay hinimok ng inyong lingkod ang mga local government units (LGUs) na simulan ang paghahanda sa pagbabakuna ng mga batang edad 12 pababa. Ngayong buwan ay inaasahang mababakunahan na ang kabataang may edad na lima hanggang 11.


Kahit pansamantalang ipagpapaliban ang face-to-face classes sa Metro Manila, mahalaga pa rin ang pagsasagawa ng regular na COVID-19 tests para sa mga guro upang maiwasan ang hawaan sa mga paaralan. Para sa kabataan, ang bakuna ay magbibigay ng dagdag-proteksiyon, lalo na kung dumating ang panahong makababalik na sila sa kanilang paaralan.


Sa mga lugar at paaralan namang nananatili sa Alert Level 2, dapat magpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang hawaan sa mga mag-aaral at guro. Kabilang ang pagsasagawa ng contact tracing at pagkakaroon ng sapat na mga pasilidad para sa sanitation.


Sa kabila ng muling pag-akyat ng mga kaso ng COVID-19 at pagkalat ng nakahahawang Omicron variant, mahalaga na ating ipatupad ang lahat ng hakbang upang maprotektahan ang ating mga mag-aaral at guro upang hindi sila magkasakit.


Bilang chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture sa Senado, ito ang inaantabayanan at patuloy na titiyakin ng inyong lingkod.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page