ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 2, 2022
Ngayong mas niluwagan na ang mga protocols sa mga lugar na isinailalim sa Alert Level 1, bilang Chair ng Senate Committee on Health, natutuwa tayo na talagang nakikita na natin ang “light at the end of the tunnel” dalawang taon mula noong tumama ang COVID-19 sa buong mundo. Gayunman, hindi pa tayo dapat magpakumpiyansa.
Hindi pa tapos ang pandemya, kaya’t sa mga hindi pa bakunado, sana ay makiisa na kayo sa isinasagawang vaccination rollout ng ating pamahalaan. Ineengganyo rin natin ang mga eligible na magpa-booster shot na.
Huwag tayo masyadong maging excited sa paglabas. Manatili tayong ligtas, lalo na kung hindi naman importante ang lakad at palaging magsuot ng facemask at sumunod sa health protocols.
Pero may mga panibagong hamon na namang dumating sa ating buhay dahil sa gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine. Tumataas ang presyo ng petroleum products at apektado ang ating mga overseas Filipino workers doon.
Ginagawa ng pamahalaan ang lahat para maproteksiyunan sila at hangga’t maaari ay ligtas na makabalik sa ating bansa.
Ngayon natin mararamdaman ang magiging magandang bunga ng pagkakatatag sa Department of Migrant Workers (DMW).
Dahil sa Republic Act 11641, na isa ang inyong lingkod sa may akda at nag-co-sponsor sa Senado na kabilang sa mga priority legislative initiatives ni Pangulong Rodrigo Duterte, may departamento nang tututok sa mga isyung kinakaharap ng mga OFWs. Hindi na sila pagpapasa-pasahan ng iba’t ibang ahensiya, kaya umaasa tayong mabilis na mareresolba ang kanilang mga problema.
At dahil nananatiling mataas ang presyo ng petroleum products, apektado rin ang hanapbuhay ng mga nasa transport sector. Hiniling natin na sa ating pamahalaan na pagkalooban ng sapat na suporta ang mga apektadong sektor. Isa sa mga paraang ito ang pagpamahagi ng fuel subsidy, lalo pa’t lumampas na sa US$100 kada bariles ang presyo ng langis sa international market.
Sa kabila ng mga panibagong hamon na ito, patuloy ang administrasyong Duterte sa pagtatrabaho para sa kapakanan ng ating bansa upang matiyak na nasa magandang sitwasyon ang kalagayan ng bawat Pilipino.
Nakikita naman natin ang napakaraming proyektong nagawa ni Pangulong Duterte sa loob ng anim na taon — na lalo pa sigurong nadagdagan kung walang pandemya. Ang mga proyektong ito ay pakikinabangan maging ng mga susunod pang henerasyon.
Tiniyak din ng Pangulo na pinoprotektahan niya ang papalapit na halalan sa Mayo at ginagawa natin ang lahat para mapanatili ang integridad ng magiging resulta nito.
Itinalaga niya ang mga pulis, sundalo at iba pang kawani ng gobyerno para pangalagaan ang mga botante laban sa terorismo, karahasan, vote-buying at pananakot.
Sa panayam kay Pangulong Duterte noong Pebrero 25, 2022, nagpasalamat siya sa mga Pilipino sa pagsuporta dahil hanggang sa huli ay mataas ang kanyang net satisfaction rating batay sa mga pinakabagong survey na lumabas.
Aniya, “I’d like to thank the Filipino people for the continued support at paniniwala ninyo sa akin sa pagkatao ko, sa pagka-official ko. I don’t know if it is an emotional outpouring, but going by the numbers, it is huge and until now it surprises me, continues to baffle me. I may be just lucky, it might be the people, tinanggap nila yung pledge ko and naniniwala sila sa ginawa ko.”
Dagdag pa niya, “When you are an officer of the government, especially an elected official, there’s a set of rules that [are] quite rigid to follow. But once the confidence of the people or your trust is broken, then may problema ka. So I am on my— I'm winding up and I am now on [my] last days of my presidency.”
Kilalang-kilala ko si Pangulong Duterte — ang puso niya para sa mga Pilipino ang dahilan kaya mahal siya ng mga ito. Para sa kanya, kapakanan ng mga Pilipino ang dapat mauna at hindi personal na interes.
Kung may dapat maging gabay ang ating magiging bagong lider, gawin niyang inspirasyon ang pagiging totoo at makatao ni Pangulong Duterte.
Mananatili ang ating tiwala at katapatan kay Pangulong Duterte at sa ating bansa. Siya ang nagturo kung paano maglingkod.
Anuman ang mangyari sa pulitika, magpapatuloy ang pagmamahal ni Pangulong Duterte sa ating bansa at sa ating mga kababayan. Maglilingkod tayo sa abot ng ating makakaya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments