top of page
Search
BULGAR

Tiyakin ang kahandaan ng mga senior high school para makapagtrabaho

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 7, 2024

Ang Batang Magaling Act o Senate Bill No. 2367, na inihain ng inyong lingkod, ay mahalaga upang masiguro ang kahandaan sa trabaho ng ating graduates sa senior high school (SHS). Kapag naisabatas ang ating panukala, titiyakin nito na may sapat na kaalaman, pagsasanay, at kakayahan ang mga senior high school graduate para sa pipiliin nilang tatahaking landas: higher education o kolehiyo, middle-level skills development, trabaho, at pagnenegosyo.


Pero kahit ipinangako ng senior high school program ang kahandaan ng mga graduate na pumasok sa trabaho, lumalabas na may mismatch sa pagitan ng kakayahan o skills ng mga nagsipagtapos at ng pangangailangan ng labor market. Ayon sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 20 porsyento lang ng mga SHS graduate ang nakakapasok ng labor force.


Mahalaga na matugunan ang mga hamong kinakaharap ng naturang programa. Kaya nga kasabay ng plano ng Department of Education (DepEd) na simulan ang revised senior high school curriculum para sa School Year (SY) 2025-2026 ay ang ating panawagang paigtingin ang kahandaan ng mga SHS graduate na pumasok sa kolehiyo, at pagkatapos, ay makapagtrabaho.


Lumabas din sa pag-aaral ng PIDS na kung ihahambing sa mga nakatapos ng Grade 10 at second year college, walang pinagkaiba ang mga senior high school graduate pagdating sa basic pay kada araw.


Bukod sa kahandaan sa trabaho, layon din ng ating panukala ang paglikha ng National Batang Magaling Council na bubuuin ng DepEd, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), tatlong national industry partners, isang national labor group, at ng Union of Local Authorities of the Philippines.


Magiging mekanismo ang Council para iugnay ang mga curricular offering ng mga paaralan at work immersion component ng senior high school sa pangangailangan ng merkado na tinukoy ng industry partners at government agencies. Kasama rin sa magiging mandato na palawakin ang kaalaman ng industry partners at mga ahensya ng gobyerno upang tanggapin ang mga mag-aaral sa iba’t ibang mga work immersion program.


Dapat ding tiyakin ng pribadong sektor at ng gobyerno na angkop ang deployment ng mga senior high school graduate sa kanilang tracks, at makukuha ng mga mag-aaral ang specialized skills at competencies upang magtagumpay sa kanilang mga napiling karera.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating isusulong ito.


Kung maging batas ang Batang Magaling Act, matitiyak natin ang kahandaan ng mga kabataan upang makapaghanapbuhay sila batay sa kanilang galing at kasanayan.


Matitiyak din natin na katuwang natin ang pribadong sektor upang mabigyan ng trabaho ang ating senior high school graduates. 


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page