top of page
Search
BULGAR

Tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng batas laban sa stunting ng mga bata

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 30, 2022


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, hinihimok ng inyong lingkod ang susunod na administrasyon na tutukan ang problema ng kabataan pagdating sa stunting o ang hindi paglaki ng bata, ayon sa kanyang edad.


Ayon sa World Health Organization (WHO), ang stunting ay epekto ng kakulangan sa nutrisyon at paulit-ulit na pagkakasakit o impeksyon sa unang isang libong araw ng buhay ng bata.


Nakalulungkot dahil nakakaapekto sa performance at kakayahan ng kabataan ang pangmatagalang pinsalang dulot ng stunting. Sinabi ng World Bank (WB) noon na ang learning poverty sa bansa ay kasalukuyang nasa 90.5 % na. Katumbas nito ang siyam sa 10 batang may edad na 10 na hindi marunong bumasa o umintindi ng simpleng kuwento.


Ayon sa ulat ng WB, na pinamagatang “Undernutrition in the Philippines: Scale, Scope, and Opportunities for Nutrition Policy and Programming,” may 30 % sa batang Pilipino na mas bata sa limang taong gulang ay maituturing na stunted o maliit para sa kanilang edad.


Kaya naman, dapat tiyakin ng pamahalaan ang epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 11148 o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act na kilala rin bilang First 1,000 Days Law. Layon ng naturang batas, kung saan tayo ay isa sa mga may-akda, na tutukan ang pangangailangang pang-nutrisyon ng mga sanggol sa unang isang libong araw ng kanilang buhay.


Noong 2018, inirekomenda ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang mga hakbang tulad ng dagdag-investment sa pagkalap ng datos, pagtukoy sa mga benepisyaryo ng programa, pagpapaigting sa sistema ng monitoring at evaluation, at agarang technical assistance mula sa national government at development partners.


Matatandaang nagbigay ng aplikasyon ang Duterte administration sa World Bank para sa loan na nagkakahalaga ng 178.1 milyong dolyar. Ang naturang loan ay gagamitin upang tugunan ang stunting sa kabataan. Ang panukalang proyekto ay pangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Mahalagang tutukan ang kalusugan at nutrisyon ng mga bata mula sa panahong ipinagbubuntis sila, lalo na’t malaki ang epekto nito sa kanilang kakayahang matuto. Kailangang tiyakin natin na may sapat na partisipasyon at kakayahan ang ating mga komunidad, kabilang na ang mga lokal na pamahalaan, upang pangalagaan ang kalusugan ng kabataang Pilipino.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page