ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Jan. 18, 2025
Bilang Chairman ng Senate Committee on Health, prayoridad natin ang pagtiyak na maayos ang kalagayan ng ating mga kababayan lalo na ang kanilang kalusugan. Napakahalaga na abot-kaya at makatarungan ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat lalo na sa mga mahihirap at higit na nangangailangan. Iyan ang pinakaimportante ngayon, dahil ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.
Sa isa pang pagdinig na isinagawa ng komite na ating pinamumunuan noong January 16 sa Senado, muli nating iginiit sa PhilHealth na maging transparent sila at ipagpatuloy ang mga reporma sa harap ng patuloy na pagtaas ng gastos sa pagpapagamot at ang mga hindi pa nila natutupad na pangako sa ating mga kababayan.
Health is a basic right. Hindi ito dapat maging pribilehiyo lamang ng iilan. Dapat nating siguraduhin na ang bawat Pilipino — lalung-lalo na ang mga mahihirap at walang kakayahang magbayad — ay may access sa serbisyong pangkalusugan.
Binigyang-diin natin na batay sa WTW Global Medical Trends Survey, nakaaalarma na posibleng tumaas sa 18.3 porsyento ang gastusing medikal sa Pilipinas tulad ng pagpapaospital, mga gamot, at iba pang serbisyo ngayong 2025. Ikalawa ito sa pinakamalaking itinaas sa Asia Pacific region. Ano bang ibig sabihin nito? Lalo pang mabubutas ang bulsa ng mga Pilipino!
Pinagpaliwanag natin ang PhilHealth kung bakit marami sa ating mga kababayan ang hindi nakakaalam ng tungkol sa kanilang mga benepisyo at kung bakit ang enrollment sa kanilang Konsulta program ay nananatiling mababa sa 10 porsyento.
Ipinaalala ko na bilang isang Pilipino, tayo’y miyembro ng PhilHealth ayon sa Universal Health Care Law. Lahat tayo ay entitled sa benepisyo mula sa ahensya. Nasa P500 billion o mahigit pa ang nakatiwangwang na pondo ng PhilHealth, o ang sinasabing reserve fund. Kaya ang tanong: Bakit hindi ito mapakinabangan ng mga Pilipino, lalo na ng mahihirap?
Sa Cavite, may lalaking namatay dahil umalis siya sa clinic nang hindi na nasuri. Sa Cebu, may buntis na sa kalye na nanganak at namatay dahil sa takot magpaospital. Ilan lamang iyan sa mga halimbawa ng mga nangyayari sa ating mga kababayan dahil takot sila sa babayaran sa ospital habang mayroon naman silang benepisyo dapat mula PhilHealth na hindi lang sa kanila naipaalam.
Kinikilala naman natin ang mga repormang ipinatupad ng PhilHealth gaya ng mas pinalawak na benefit packages, pagtataas ng case rates para sa critical diseases, at pag-aalis sa kanilang anti-poor policies partikular ang 24-hour confinement rule para sa outpatients at ang single-period confinement policy.
Sulit ang ating pangungulit dahil kahit papaano ay ginagawan na ng aksyon ng PhilHealth ang mga hinaing na naisiwalat sa sunud-sunod na Senate Health Committee hearings na ating pinamunuan. Ngunit hindi tayo rito titigil hangga’t hindi naisasakatuparan ang mga pangakong ito na kanilang binanggit under oath.
Sa hearing ay inalam din natin kung ano na ang update sa pagbabayad sa Health Emergency Allowances o HEA ng ating healthcare workers na nagpakabayani noong pandemya. Marami pa ring sumisigaw ng ‘HEA, HEA,’ kahit saan tayo magpunta. Dapat na mabayaran na sila dahil service rendered na iyan, pinagtrabahuhan at pinagsakripisyuhan na nila — na ang iba ay nagbuwis pa ng kanilang buhay.
Samantala, tuluy-tuloy ang ating paglalapit ng serbisyo sa mga kababayan. Kahapon, January 17, personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 48 residente ng Pasay City na nawalan ng tirahan. Nakatanggap din sila ng emergency housing allowance mula sa NHA na ating isinulong at sinusuportahan para may pambili ng materyales sa pagpapaayos ng bahay ang mga biktima ng sunog o sakuna.
Ipinadala ko naman ang aking Malasakit Team para maalalayan ang mga nangangailangan maging sa malalayong komunidad. Nahatiran natin ng tulong ang mga nawalan ng tirahan kabilang ang anim sa New Corella, 10 sa Talaingod, 15 sa Asuncion, 32 sa Mawab at 16 sa Mabini sa Davao de Oro; 13 sa Kalamansig, Sultan Kudarat; 39 sa Davao City; 14 sa Lupon at lima sa Manay, Davao Oriental. Sa ating suporta ay nabigyan din sila ng emergency housing allowance ng NHA.
Natulungan natin ang 47 na nawalan ng hanapbuhay sa Majayjay, Laguna katuwang si VM Juan Arganosa. Sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE, nagkaroon din sila ng pansamantalang trabaho.
Nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong sa mga CHED scholars kabilang ang 145 sa Antipolo City; at 233 sa Rizal Province. Dagdag na tulong din ang ibinigay natin sa mga TESDA scholars gaya ng mahigit isanlibo sa Legazpi City; at 900 sa Iriga City, Camarines Sur.
Nagsagawa naman ang aking opisina ng serye ng pamamahagi ng tulong para sa mga mahihirap na manggagawa sa Bohol at naabutan natin ang higit 2,000 residente mula sa Bien Unido, Talibon, Getafe, Sagbayan, San Miguel, Trinidad, Tubigon, Loon, Corella, Cortes, Baclayon, Dauis, Maribojoc, at Tagbilaran City.
Tuluy-tuloy din ang ating palugaw sa mga ospital na may Malasakit Center para sa mga pasyente, kanilang bantay at hospital staff.
Hindi ako titigil sa pagbibigay ng serbisyo sa mga kapwa ko Pilipino sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala akong ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments