Tiwaling kawani ng LTO, dahilan kaya ‘di nawawala ang mga fixer
- BULGAR
- Dec 19, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | December 19, 2022
Isang empleyado ng Land Transportation Office (LTO) at dalawa pang kasabwat na sinasabing fixer ang naaresto sa Quezon City, kamakailan.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang pagkakaaresto sa reklamo ng isang Chinese national na umano’y sangkot sa fixing sa pagpoproseso ng driver’s license ng mga aplikante.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska sa tatlo ang isang LTO complaint sheet, isang medical certificate na may petsang Nobyembre 24, 2022, OR para sa medical certificate fee, student driver’s permit, isang OR para sa student driver’s permit, at marked money at boodle money.
Napag-alamang License Evaluator ng LTO ang isa sa mga naaresto, habang ang dalawa naman ay sinasabing fixer. Ang tatlo ay kilalang illegal fixers sa LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nasa tawid kalsada lamang. Humihingi umano ang mga ito ng malaking halaga sa kanilang mga binibiktima kapalit ng umano’y mabilis na pagpoproseso sa driver’s license ng mga naturang aplikante.
Sa totoo lang, nakakadismaya na hanggang ngayon ay talamak pa rin ang fixer. Ang masaklap pa, mismong kawani ng LTO ang sangkot.
Marahil, kaya hindi natatapos ang isyu sa fixer ay dahil may kasabwat sa loob ng opisina ng gobyerno, at ‘yan ang dapat nating tutukan at solusyunan.
Panawagan natin sa mga kinauukulan, tiyaking malilinis ang kanilang hanay at talagang hahabulin ang mga fixer.
Bukod sa maituturing na korupsiyon ang gawaing ito, pinagmumulan din ito ng ‘kamote drivers’. Dahil hindi dumaan sa tamang proseso ng pagkuha ng lisensya, posibleng hindi sapat ang kaalaman nito sa mga batas-trapiko, na maaaring maging banta sa kaligtasan nila at mga kapwa motorista.
Hamon natin sa gobyerno, bilisan ang pagtugon sa isyung ito at panagutin ang mga dapat managot.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments