ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 2, 2022
Nanumpa na sa kanyang tungkulin ang ika-17 Pangulo ng Pilipinas na si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. Isang makasaysayang kaganapan na nasaksihan ng sambayanang Pilipino na umaasang sa panibagong yugtong ito sa ating bansa ay magtutuluy-tuloy na ang pagbangon natin mula sa krisis na dulot ng pandemya. At sa pagpapalit administrasyon, asahan natin na marami ring isasailim sa mga pagbabago, pagrerepaso at kung ano pang nararapat na proseso.
Sa pagkakataong ito, mas mabuting ibigay din natin ang tiwala sa bagong Pangulo na magagampanan niya nang mahusay ang kanyang tungkulin at maakay tayo tungo sa mas maunlad na Pilipinas.
Nasabi natin ito dahil hindi biro na mahigit 31 milyong Pilipino ang nagtiwala at nagluklok sa kanya sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno. Ibig sabihin, napakarami ng ating mga kababayang umaasa na may kakayahan si Pangulong Marcos sa gitna ng dinaranas nating krisis sa kasalukuyan.
Sa panahon ng kampanya, hanggang sa kanyang tuluyang pagkapanalo, ilang ulit na rin namang inilatag ng bagong Pangulo ang kanyang mga nakatakdang programa at proyekto para sa bansa. At umaasa tayong matutupad ang kanyang mga ipinangako.
Kung susuriin natin, makikitang malakas ang napiling mga tauhan ni Pangulong Marcos na bubuo sa kanyang economic team. Mga de-kalibre at sukat na ang kakayahan pagdating sa pagpapalakas ng ekonomiya. Ang ilan sa kanila, nagsilbi sa gobyerno ni dating Pangulong Duterte at dito nila ipinakita ang kanilang galing.
At dahil si Pangulong Marcos din ang mangangasiwa sa Kagawaran ng Pagsasaka, marami ang umaasa na talagang mareresolba niya ang problemang kinahaharap ngayon ng agrikultura, partikular ng ating mga kaawa-awang magsasaka at mangingisda. Sana nga bilang kalihim pang-agrikultura, matiyak ng Pangulo ang seguridad ng pagkain sa bansa.
Ang isa pang sektor na dumaranas ng krisis sa kasalukuyan dahil pa rin sa negatibong epekto ng pandemya ay ang edukasyon. At dahil itinalaga ng Pangulo si Bise-Presidente Sara Duterte bilang kalihim ng Edukasyon, umaasa rin tayong itutuloy niya ang magagandang napasimulan ni Sec. Liling Briones at repasuhin ang mga programang dapat sumailalim sa reporma.
Sa pagkakataong ito, na ang Pangulo at ang Pangalawang Pangulo ay mula sa magkaalyadong partido, sana nama’y ipagpatuloy nila ang pagtutulungan para siguradong tatakbo ang kaunlaran at sama-sama nilang maiangat sa matinding kahirapan ang ating mga kababayan.
Muli, isang mainit na pagbati sa ating bagong Pangulo, Ferdinand Romualdez Marcos, Jr.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com