ni GA @Sports | November 16, 2023
Mga laro ngayon (FilOil EcoOil Arena)
2 n.h. – NXLed vs Galeries
4 n.h. – F2 Logistics vs Cignal
6 n.g. – Petro Gazz vs Choco Mucho
Tatlong koponan ang maghahanap na mapahaba ang kanilang winning streak sa mas lumalalim na mga tagpo sa 6th Premier Volleyball Leage (PVL) Second-All-Filipino Conference ngayong araw sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Hahanapin ng Choco Mucho Flying Titans na makuha ang kanilang ika-anim na sunod na panalo at makasosyo sa ikalawang pwesto kontra sa magbabawing Petro Gazz Angels sa tampok na laro sa alas-6:00 ng gabi, habang nais din ng Cignal HD na kunin ang ika-limang sunod na panalo sa reresbak na F2 Logistics Cargo Movers sa second-game sa alas-4:00 ng hapon, gayundin ang maghahanap ng kanilang unang winning streak na NXLed Chameleons laban sa walang panalong Galeries Tower High Risers sa pambungad na bakbakan sa alas-2:00 ng hapon.
Lumipad paibabaw ang Choco Mucho sa pangunguna ni ace playmaker Deanna Wong na mahusay ang pamamahagi ng opensa upang mabigyan ng maliwanag na hambalos sina Isabel Molde, Maddy Madayag, Kat Tolentino at high-flyer Chery Anne Rondina para talunin ang Akari Chargers sa straight set 25-23, 25-21, 25-19 nitong nagdaang Sabado.
Nais naman ng Angels na maputol ang kanilang three-game losing skid na huling dinanas sa Cignal sa fourth set sa 15-25, 23-25, 25-18, 25-19 na pilit iaangat ni Gretchel Soltones, Aiza Pontillas, Jonah Sabete, Remy Joy Palma at Djanel Cheng.
Ipagpapatuloy naman ng Cignal ang kanilang nabuong magandang laro na pinagtrabahuhang maigi nina Frances Molina, rookie Vannie Gandler, Jovelyn Gonzaga, Ria Meneses, at Roselyn Doria, kahit wala ang kapitana nito na si Rachel Ann Daquis na kasalukuyang may 5-2 kartada.
Commentaires