ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 26, 2021
Pangarap mo bang manirahan sa isang tahimik at maaliwalas na lugar o sa isang tuktok ng burol? Pero bakit hindi ka yata makatagpo ng lote na gustung-gusto mo? Ang pagbili kasi ng lote kahit na nakabilad pa sa merkado ay mahirap pa rin kung minsan na konsiderahin. Pinakamahalaga pa ring isaalang-alang ay ang lokasyon.
1. Tsekin ang mga lokal na pahayagan o kaya sa online selling at sa mga website at tingnan ang listahan ng mga lots for sale. O kaya naman ay kumuha ng isang agent na espesyalista para matulungan ka na humanap ng ‘good value’ at angkop para sa bahay na gusto mong itayo roon.
2. Pag-ingatang mabuti ang pagpili ng lokasyon, kung gusto ang malapit sa shopping districts, pasyalan, simbahan, palengke, kalidad ng eskuwelahan, daloy ng mga sasakyan, pampublikong sakayan at o kung zero crime rate ba at higit sa lahat, mababa ang kaso ng COVID-19. Pag-aralang mabuti ang lugar.
3. Ang mga katangian o problema tulad ng nagbabarang drainage o lubak-lubak na kalye ay hindi maganda. Alamin kung malapit sa bilihan ng gas, may sapat na elektrisidad at hindi mahirap ang tubig lalo na kung bibili ka ng lote na malawak ang bakuran at maraming halaman.
4. Bigyang kahulugan sa pangkalahatang termino ang istruktura na gusto mong ipatayo kabilang na ang square meter, kung ilang palapag, ilang kuwarto, architectural style, maging ang anumang espesipikong katangian na gusto mo, tulad ng swimming pool o malaking veranda. Depende sa sukat at disenyo ng tahanan, ang isang partikular na lote ay hindi umuubra. Kumunsulta sa arkitekto o bumili ng plano para maisagawa kaagad ang disenyo at isa-isahin na ang feasibilities ng lugar.
5. Imbestigahan din kung ano ang kinabukasang naghihintay para sa paninirahan sa lugar. Ilan na ba ang mga kapitbahay? Residential ba sila o nakatakdang gawing komersiyal ang lugar? Magkakaproblema ba sa parking at daloy ng sasakyan sa lugar dahil sa negosyo nila? May posibilidad bang magkaroon ng ilang gusali o kalye na idadagdag?
Tingnan din kung ano ang magiging problema tulad ng sa tubig o kung iyan ba ay dating daluyan ng ilog o dating mababang parte ng bukirin o dating dampsite.
6. Kumuha ng surveyor para masukat ang property. Sila na rin ang magsasabi ng estimates nila.
7. Alamin kung ang lote ay ligtas sa baha. Pero kung nadaraanan ng baha, mag-hire ng soil engineer para mai-survey ang potensiyal na land renovation.
8. Bilhin ang title insurance ng may-ari. Ang coverage na ito ay para mas malinaw ang titulo ng property. Ang halaga ay depende sa value ng lupa.
9. Ilatag na agad ang pang-downpayment na halaga habang isinasara ang deal, isang maliit na halaga lang mula sa kabuuang value nito.
10. Tawagan ang local builders para malaman ang hinggil sa housing developments at kung ano pang mga lote ang available. Ang paghahanap ng builder na may lupang pag-aari at interesado ka ay may simpleng proseso ng pagbili sa lupa at pagtatayo ng bahay, na magagawa sa isang transaksiyon lamang.
11. Bisitahin ang lote ng ilang beses sa anumang araw para malaman mo kung ano ang problema pa.
12. Kung makabibili ng odd-shaped na lote o mahirap na tayuan na istruktura, maging handa sa ekstrang gastos tulad ng house plan modifications.
Comments