ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | January 18, 2022
May joke ngayon na kung wala kang kakilalang nagpositibo sa virus, ibig sabihin ay wala masyadong kaibigan dahil nasa halos 50% na ang infection rate ng Omicron variant. Ibig sabihin, isa sa dalawang taong nagpapa-test ay lumalabas na positibo sa COVID-19.
Gaano nga ba ka-epektibo ang mga antigen at PCR-test? Sa webinar na isinagawa kasama ang Infectious Disease na espesyalistang si Dr. Marion Kwek ng Asian Hospital, ating napag-alamang kapag nagpositibo sa antigen test (COVID-19 test, kung saan makukuha agad ang resulta), mataas ang posibilidad na positibo kahit muling mag-test sa RT-PRC test (ang test na dumaraan sa laboratoryo at sinasabing 99% ang akurasya).
May mga kaso rin ng pag-a-antigen test, kung saan maaaring lumabas na negatibo ang resulta, ngunit ang dapat i-check ay ang mga sintomas na nararamdaman ng pasyente, tulad ng pag-ubo, pananakit ng lalamunan at kung may kasaysayan ng pagka-expose sa mga nagpositibo. Ang the best tip kapag may pag-aalinlangan sa test ay ang kumunsulta sa doktor at ang mahalaga ay isaisip nang positibo upang mas ibayong pag-iingat ang gagawin at hindi na makapanghawa.
Ito ang ilang tips ni Doktora para sa mga naka-home isolation:
1. Kapag masama ang pakiramdam, ugaliing bumukod o ‘wag na makipaghalubilo sa iba.
2. Buksan ang bintana para may magandang bentilasyon.
3. Maging pamilyar sa mga senyales ng lumalalang karamdaman, tulad ng hirap o paghahabol sa paghinga, pagbaba ng oxygen kung may pang-check (pulse oximeter) o pagbabago sa malay-tao. Kung mayroon man, dalhin agad sa pinakalmaapit na health care facility ang pasyente.
Sa mga nagpositibo, may good news din kahit paano – may dalawa hanggang tatlong buwang may antibodies na magiging depensa sa muling pagka-infect.
Naging bisita rin natin sa libreng konsultasyon si Kurt Castelo Nocum, na isang registered nurse. Paalala ni Nocum, ugaliing maghugas mabuti ng mga kamay at hindi lang ‘yung mabilisang pagsasabon at banlaw.
Naalala tuloy natin ang isa nating programa sa Philippine Red Cross, kung saan tayo ay konsehal, na pagpunta sa mga bahay ampunan bago magkaroon ng pandemya upang turuan ang mga bata nang wastong paghuhugas ng mga kamay.
1. Basain ang mga kamay ng malinis na tubig.
2. Kuskusin nang mabuti ang lahat ng bahagi ng kamay gamit ang sabon hanggang bumula ito.
3. Ipahid ang palad ng isang kamay sa likod ng kabilang kamay, at siguraduhing linisin din ang pagitan ng iyong mga daliri.
4. Ulitin gamit ang kabilang kamay. Muling kuskusin ang mga palad, at muling linisin ang pagitan ng mga daliri. Ipahid ang likod ng mga daliri sa magkabilang palad, pagsalikop ang mga daliri habang ginagawa mo ito.
5. Hawakan ang hinlalaki ng isang kamay gamit ang kabilang kamay, at paikutin ang nakasarang kamay sa paligid ng hinlalaki upang linisin ito. Ulitin sa kabilang hinlalaki at kamay.
6. Kung may magagamit na malinis na brush, kuskusin nang marahan sa ilalim ng mga kuko.
7. Banlawan ang mga kamay sa ilalim ng malinis at umaagos na tubig.
8. Patuyuin ang mga ito nang maigi gamit ang tuwalya.
9. Bilang kahalili, hayaan itong matuyo sa hangin. Gamitin ang ibang tuwalya (kung mayroon) upang patayin ang gripo.
Ang sabon at tubig ay mas epektibo kaysa sa mga hand sanitizer sa pag-alis ng ilang partikular na uri ng mikrobyo, ngunit kung nasa labas, ugaliing magbaon ng alkohol o hand sanitizer na naglalaman ng hindi bababa sa 60% na alkohol.
At isa pang tip! Kantahin sa Happy Birthday nang tatlong beses habang naghuhugas bilang gabay sa wastong panahong iginugugol sa handwashing.
Panoorin ang bahagi ng ating naging libreng konsultasyon sa Facebook page na “Rikki Mathay QC” para sa iba pang napapanahong tips, lalo na kung kasalukuyang naka-isolate. Magkakaroon din tayo ng lingguhang libreng medikal konsultasyon na batid nating kailangan nating lahat ngayon, kaya’t i-like, follow at i-share na rin ang Rikki Mathay QC sa FB.
Comments