ni Justine Daguno - @Life and Style | September 3, 2020
Nakakainis ang magkaroon ng itchy scalp o makating anit.
‘Yung tipong maya’t maya talaga ang kamot sa ulo sa hindi malamang dahilan. Pero worry no more dahil ang problema na ‘yan ay meron namang remedyo. Yes, narito ang ilan sa mga puwede nating gawin o gamitin:
1. Baking soda. Ang baking soda ay anti-fungal at anti-bacterial—mga katangiang makatutulong sa pagpatay sa bakterya na nagdudulot ng impeksiyon, pagkalagas ng buhok o pangangati. Kumuha lamang ng mangkok o anumang lalagyan saka ilagay ang dalawa hanggang tatlong kutsarang baking soda at tubig. Paghaluin ang mga ito hanggang lumapot saka ipahid ang paste sa anit. Ibabad ito sa ulo ng 10 hanggang 15 minuto bago banlawan gamit ang regular na shampoo.
2. Olive oil. Ito ay anti-inflammatory at mabisang pamprotekta sa mga impeksiyon sa anit. Painitan lamang ang organic olive oil sa loob ng pitong segundo bago i-apply sa anit. Ibabad ito nang overnight saka banlawan kinabukasan. Ulitin ang pamamaraang ito ng dalawang beses sa isang linggo para sa mas mahusay na mga resulta.
3. Tea Tree oil. Ito ay may anti-fungal at anti-bacterial—katangiang makatutulong sa paggamot sa makating anit. Kumuha ng lima hanggang pitong patak ng langis at direktang ipahid sa anit. I-massage ito nang ilang minuto at iwanan ito magdamag saka banlawan kinabukasan gamit ang maligamgam na tubig at regular shampoo.
4. Aloe vera. Ito ay natural moisturizer na nakatutulong sa paggamot ng makating anit dahil sa mga anti-microbial. Kumuha ng organic aloe vera gel at direktang ilapat ito sa anit. Iwanan ito sa loob ng 15 hanggang 20 minuto saka banlawan ng maligamgam na tubig. Ulitin ito nang dalawang beses sa isang linggo o hanggang sa maging okay ang resulta.
Ang pagkakaroon ng makating anit ay maaaring simpleng bagay lamang, ngunit maaaring maging malaking abala kapag hindi agad nalunasan. Tandaan na hindi kailangang gumastos agad na nakapamahal lalo na kung meron namang natural remedy. Okay?
Comments