top of page
Search
BULGAR

Tips para mas maging alisto at ligtas ang mga biyahero

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 06, 2021




Mga extortionists umano ang nanunog ng isang pampasaherong bus sa Cotabato kamakailan kung saan 3 pasahero ang nasawi at lima ang sugatan dahil sa naganap na pagpapasabog at pagsunog sa sasakyan na lulan ng ilang pasahero.


Panahon ngayon ng pagluwag ng gobyerno sa pagdayo ng mga turista sa iba't ibang lugar sa bansa kaya lagi tayong maging alisto sa pagbiyahe.


Nadadamay ang mga inosente, napakahalaga na maging alerto tayo at mapagmasid sa ganyang mga pag-atake.


Heto ang tips at mga dapat gawin kahit na sa maliit na paraan lang ay mapatatag natin ang ating seguridad sa mga ganitong mga insidente ng biglaang pag-atake ng mga ito.


1. ANG PAGPAPLANO NG BIYAHE. Ang maingat na planong pagbiyahe ay isa sa pinakamahalagang hakbangin na maaaring sundin para mas maging ligtas ang sarili at ang buong pamilya. Kung plano ng isang foreigner na magtungo sa lugar na alam mong peligroso para sa kanila ay sabihan na ang mga iyan. Tsekin muna nila kamo ang mga lugar na plano nilang bisitahin at pamalagian. Halimbawa, kumusta ba ang peace and order security sa lugar lalo na kung may history na ng mga nakaraang pag-atake ng terorista roon? Isulat din ang mga ginagawang pag-iingat ng mga naninirahan doon para maiwasan ang anumang katulad na insidente.


2. ANG PAGPILI NG HOTEL. Oras na husto na ang iyong pagsasaliksik hinggil sa lokasyon ng iyong pagbisita, tsekin ding mabuti ang hotel sa lugar. Mas mainam na pumili ng hotel na mas malapit sa istasyon ng pulisya o iba pang secured areas. Mainam na ideya na tanungin ang hinggil sa seguridad ng hotel management bago manuluyan dito.

Tiyakin na mayroon silang metal detectors, mahigpit na seguridad at mapagmasid sa lahat ng lugar. Matapos ang pag-atake sa isang bus sa Cotabato, ito na marahil ang mainam na senyales na dapat pag-ingatang mabuti ng ating mga kababayan ang mga dayuhan.

3. SABIHAN ANG MGA KAIBIGAN AT PAMILYA. Mainam na pagsabihan na agad ang mga kaibigan, kaanak o kapamilya hinggil sa planong pagbibiyahe at ibigay sa kanila ang contact information mo habang nasa malayo ka. Ang emergency contact information ay napakahalaga kung bibiyahe sa Mindanao, sakali man.


4. MAGING VIGILANTE SA PALIPARAN. Mula sa umpisa ng pagbiyahe sa eroplano hanggang pagdating sa destinasyon, laging manatiling alerto. Napakaraming mga kaso kung saan ang mga terorista ay pakay ang mga inosenteng pasahero sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga sandata sa kanilang mga bagahe at saka ito kinukuha pagdating sa kanilang destinasyon. Kaya hindi dapat mawala sa paningin mo ang iyong bag kahit na tatlong segundo lamang.


5. LUMAYO SA MGA HINDI KAKILALA. Hindi mo alam kung anong uri ng pagkatao ang mga taong iyong nakikita o nakakasalamuha habang nasa biyahe. Lumayo sa mga hindi kilala. Napakadali na mabingwit sa mga kuwentuhan at mga nakahihimok na salita kapag nakipag-usap ka sa mga iyan.


6. ANG KAGAMITANG PANG-KOMUNIKASYON. Tandaan na i-active ang roaming services ng iyong cellphone kung nasa liblib na lugar sa Mindanao o saan mang lugar na medyo peligroso. Ang mga communication devices ay napakahalaga sa anumang kalamidad at makatutulong para makapagligtas ng buhay. Sa ganyang mga pag-atake, ang daming nai-stranded sa hotels kaya madali nang matatawagan ang pulisya at masabi kung saan kayo nakahimpil sa ngayon.


Mahalaga rin ang magkaroon ng internet capable device, makatutulong ito.


7. MAGING ALERTO SA PAMPUBLIKONG LUGAR. Obserbahan ang lahat ng tao. Ayos lang na magsuspetsa ng konti sa anumang sitwasyon. Kung may nakikita kang kakaibang aktibidad, agad mag-report sa pulisya. Ang ilang tao ay ay nakalilimutan ang kanilang bags at iba pang dalahin sa mga restaurant o banyo. Agad na timbrehan ang pulisya. KUNG NAIISIP MO NA MAY KAKAIBA SA ISANG NAKABALOT NA BAGAY, MAAARING TOTOO ANG IYONG HINALA.


8. PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON. Iwasan ang pampublikong mga sasakyan. Umupa ng sasakyan. Higit kasing umaatake ang mga terorista sa mga pampublikong sasakyan o pamilihan na mataong lugar.


9. SUNDIN ANG IYONG PLANO. Ang panghuli, sundin ang iyong mga plano. Kung plano na magtungo sa isang lugar, doon ka lamang at huwag ka nang gagawi sa iba pang lugar. Ito ay napakahalaga dahil kung magpapalit ka pa ng plano baka maligaw ka pa at may posibilidad na mapunta ka sa lugar hindi mo kabisado ang seguridad.


10. MAGING ALERTO, ALISTO AT MATALINO. Sa lahat ng mga payong ito, mayroon pa ring posibilidad na baka matakot ka nang magbiyahe. Gayunman, ang mundo ay karapatan nating ikutin at bisitahin para mag-sight seeing, para sa larangan ng business, kailangang puntahan para sa trabaho o papasyalan.


Ang mga hakbangin na nabanggit ang makatutulong sa iyo para makapaghanda sa banta ng anupamang masamang bagay. Ito’y para mas madama mo ang kumpiyansa sa kaligtasan saan ka man magtungo. Labanan natin ang terorismo, at ang tanging paraan na magagawa iyan ay iyong hindi natin sila katakutan, kundi kapag tayo’y nagkaisa, mas malakas tayo sa kanila!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page