Tips para manatiling ligtas at handa sa mountain driving
- BULGAR
- Jul 8, 2020
- 3 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 8, 2020

Kailangan mong maghandang mabuti kung may biyahe ang buong pamilya o maging ikaw ay paakyat ng bundok dahil panaka-nakang nag-iiba ang panahon. Umiinit nang matindi at maya-mayang bigla na lang uulan nang malakas. Delikado rin ang landslides sa mga lugar na alanganing daanan sa mga gilid ng bundok.
Alalahanin mong magmamaneho ka paakyat ng bundok, kaya pinakamainam na piliing daanan ang mga alternatibong rutang mas ligtas tahakin para maiwasan ang labis na pag-aalala na haharapin para na rin sa kaligtasan ng lahat ng iyong mga sakay.
Tsekin ang mga sumusunod na ideya para matulungan ka na madali at masaya ang magbiyahe paakyat ng bundok. Kailangan mo nang:
Punuin ang tangke ng gasolina.
Magbaon ng maraming tubig na inumin.
Ekstrang damit o jacket kung giginawin sa biyahe.
Spare tire o ekstrang gulong.
Mga kagamitang pampalit ng gulong.
Pinakamainam na magdala ng route map. Bagama’t may Waze o GPS ka, kung minsan ay naliligaw din ‘yan.
1. IHANDA ANG SASAKYAN. Simulan ang pagbiyahe na kailangan ay puno ang tangke ng gasolina. Magpatakbo sa patag na kalye at tseking mabuti ang brake, wiper fluid, heater, tire pressure at defroster.
2. MAGDALA NG EKSTRANG BAON. Magdala ng sariling tubig na maiinom para maiwasan ang anumang dehydration o panghihina habang nagmamaneho at bumibiyahe at para maiiwasan ang altitude sickness. Magdala ng makakapal na jacket para sa pagbabago ng klima dahil lumalamig ang panahon paakyat ng bundok at tiyakin na may dala kang spare tire at tamang tools para sa pagpapalit ng gulong sakaling kailanganin ito.
3. ALAMIN KUNG SAAN PUPUNTA O KUNG ANO ANG TIYAK NA PUPUNTAHAN. Magdala o ihanda ang detalyadong mapa ng lugar na pupuntahan. Ang GPS at online map sites ay maaaring sumablay ang anumang remote road maps. Mainam na laging handa sa ganitong bagay.
4. PANATILIHIN ANG TAMANG BILIS NG PAGPAPATAKBO. I-maintain ang ligtas na bilis ng takbo at maging ang pababa ng lugar kaya tseking mabuti ang paggamit ng brake para makontrol ang pababa na ruta kung saan mas mabilis ang takbo ng sasakyan. Gumamit ng mababang gear para sa higit na lakas kapag aakyat ng bundok ang sasakyan.
5. PAMINSAN-MINSAN AY MAGPAHINGA AT MANATILING ALERTO. Magkaroon ng paminsan-minsang pahinga habang nasa biyahe. Huminto muna at magpahinga. Ang mountain driving ay nakapapagod kaya dapat may sapat kang oras para makapagpahinga at makapag-sight seeing.
TIPS PARA MAGING PRESKO ANG PAGTULOG SA GABI
Kung napagod ka sa biyahe, at malamig ang lugar na tutuluyan sa gabi, tiyak na masarap ang iyong tulog, pero kung namamahay ka at madalas kang mapuyat sa pagmamaneho o dahil maalinsangan lagi sa gabi at iisa lang ang iyong electric fan, heto ang tips on how to beat the heat.
Kung gabi-gabi na lang ay laging mainit at hindi ka makabuo ng masarap na tulog, mainam na labanan na ito at baka mabalisawsaw ka nang tuluyan.
Iwasan ang anumang pisikal na aktibidad bago matulog.
Isara ang mga bintana sa buong araw para manatili ang lamig at pagdating sa gabi ay saka buksan lahat, magbukas ng electric fan para madagdagan ang lamig.
Maglatag ng preskong bedding at magsuot ng damit na malamig sa katawan. Kung kinakailangan ay mag-shower para ma-preskuhan ka. Ugaliin ang pagsuot ng t-shirt o damit na gawa sa light materials. Iwasan ang pagsusuot ng makakapal at maiinit na klase ng tela ng damit.
Kung ang puwesto ng tulugan ay nasa itaas, mas preskong matulog sa ibaba ng bahay o sahig. Umaakyat kasi ang init kapag maaraw at maalinsangan.
Kung gagamit ng aircon at gustong makatipid, paandarin lang ito ng hanggang alas-2:00 ng madaling-araw at saka sundan ng electric fan para masuportahan pa ang lamig sa loob ng silid. Magsampay ng basang tuwalya sa harap ng electric fan at puwedeng gumamit ng ice fan.
Mag-imbak ng malamig na tubig sa ref o icy drink.
Gumamit ng unan na preskong gamitin.
Naiinitan ka pa rin? Maghubad.
Kumuha ng spray bottle at punuin ng malamig na tubig. Ispreyan ang sarili at ang buong kuwarto.
Pumuwesto sa bandang malamig na pader sa silid at doon itama ang hangin ng electric fan.
Comments