ni Jersy L. Sanchez @Life & Style | December 24, 2022
Paano mo masasabing nagsisinungaling ang isang tao?
Kapag ba hindi siya makatingin nang diretso sa iyo o paiba-iba ang version niya sa tuwing tinatanong mo siya tungkol sa isang bagay?
Knows n’yo ba na ang mga nabanggit ay kabaligtaran ng ilan sa ating mga pinaniniwalaan?
Upang bigyang-linaw, narito ang ilang paraan upang matukoy kung nagsisinungaling ang isang tao:
1. MAIKSING SAGOT. Ayon sa mga eksperto, kapag nagtanong tayo sa isang sinungaling, madalas siyang nagbibigay ng maiksing sagot kumpara sa nagsasabi ng totoo. Sa isang pag-aaral noong 2012, ang mga participants ay sinanay na tukuyin ang kasinungalingan gamit ang assessment criteria indicative of deception o ACID method, kung saan pinaniniwalaan na ang “truthful answers” ay mas mahaba at malinaw kumpara sa kasinungalingan.
Gayunman, binigyang-linaw na hindi sa lahat ng pagkakataon ay ito umano ang basehan para masabing nagsisinungaling ang isang tao. Mahalaga rin umano na kilala natin ang kausap.
2. WALANG DETALYE ANG SAGOT. Madalas umanong umiiwas ang mga sinungaling sa “verifiable details” o ‘yung mga importanteng detalye na maaaring magkumpirma kung nagsasabi siya ng totoo o hindi. Kabilang na rito ang eksaktong oras ng pangyayari, pangalan ng specific location, pangalan ng mga taong na-encounter at maging ang specific words na ginamit nila sa isang pag-uusap.
3. HINDI MALIKOT. Sey ng experts, madalas ay hindi aware ang isang tao kung gaano karaming movements ang kanyang nagagawa. Pero kung ang isang tao ay nagsisinungaling, mas conscious siya sa kanyang galaw at sinusubukang kontrolin ang pagkilos upang maiwasan ang fidgety movements. Gayundin, ‘pag nagsisinungaling, kailangan umano ng konsentrasyon para makaisip ng palusot, at sa ganitong paraan, naiiwasan ang pagiging malikot.
4. HINDI LUMALAYO ANG TINGIN HABANG NAG-IISIP. Naniniwala tayo na hindi kayang makipag-eye contact ng isang taong nagsisinungaling, pero ayon sa mga eksperto, hindi sa lahat ng pagkakataon ay ganito ang nangyayari. Anila, ang mga taong nagsasabi ng totoo ay madalas na malayo ang tingin habang nag-iisip ng sagot dahil paraan ito para makapag-concentrate. Gayunman, ‘pag nagsisinungaling ang isang tao, iniiwasan niyang lumayo ng tingin at nakikipag-eye contact para tingnan ang response ng kanyang kausap at malaman kung nakukumbinsi niya ito o hindi.
5. INUULIT ANG TANONG BAGO SUMAGOT. Marahil ay hindi pa niya alam kung paano sasagutin ang tanong o nag-iisip pa siya ng detalye na isasama sa kanyang palusot. Ayon sa mga eksperto, ang pag-uulit ng tanong ay nakakapagbigay ng oras sa kanila para gumawa ng kapani-paniwalang istorya.
6. SAME EXACT STORY. Kapag pinaulit ang kuwento, ang mga honest na tao ay mayroon umanong “memory enhancement effect” dahil sa additional recall attempt. Ibig sabihin, sa pagre-recall ng istorya, nagkakaroon sila ng dagdag na detalye na hindi nabanggit sa unang kuwento. Pero para sa isang taong nagsisinungaling, naniniwala ito na kailangan niyang maging consistent sa istorya na gusto niyang paniwalaan at ito lang ang palagi niyang ikinukuwento sa kahit kanino.
Sa totoo lang, hindi madaling ma-recognize kung nagsisinungaling ang isang tao, pero makakatulong ang mga espisipikong senyales tulad ng pag-uulit ng istorya upang matukoy kung nagsisinungaling siya o hindi.
Gayunman, tandaan na ang mga nabanggit na senyales ay hindi definitive proof na nagsisinungaling sa iyo ang isang tao.
Mahalaga pa ring mag-fact check upang hindi mag-assume at maiwasan ang misunderstanding.
Gets mo?
Comments