ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 10, 2021
Ang tinatawag na Cyberbullying ay ang pagpapakita ng pananakot o pangha-harass sa teknolohikal na paraan tulad ng sa social media o iba pang ginagamit na komunikasyon sa internet o cellphones sa isang tao. Ang biktima ay maaring ginugulo online, iniinsulto, binabastos o pinagbabantaan sa kanyang mga comments, personal messages o sa social networking websites.
Ang mga Cyberbullies ay nagpapadala ng mga mapanirang salita, nakahihiyang mga larawan o nagpo-post ng personal information online sa biktima, kaya naman puwede silang mapahamak.
Nakatatakot ang Cyberbullying kaysa sa face-to-face na pambubuli dahil nahaharap siya sa kahihiyan sa mas nakararami, kaya mahirap kumawala. Para maiwasan ang cyberbullying, kumilos na agad at proteksiyunan ang technological accounts.
1. Huwag pansinin ang anumang nakaiinsultong emails, instant messages o iba pang nakalahad na cyberbullies. Tinatayang may 81% ng cyberbullies na huma-harass sa tao na akala nila ang reaksiyon ay nakatatawa, pinakamabuting huwag papatulan ang joke para huminto na ang mga iyan.
2. Palitan ang settings ng instant messaging programs para ang friends lang ang makapasok. Ito’y para maiwasan ang sinumang bullies na personal na aatake habang online ka.
3. Ilagay ang anumang social networking profiles sa private at idagdag lang ang mga taong alam mong kaibigan mo. Kontakin ang site's moderator kung ang cyberbully ay nagpadala ng pagbabanta o pambabastos sa iyong pribadong mensahe o kaya ay hindi awtorisadong pag-post ng iyong larawan o personal na impormasyon sa kanyang pahina. Ito ang klase ng behavior na lumabag sa Terms of Service at dapat ma-delete ang page at ma-ban ang bully.
4. Palitan na agad ang passwords kung ang cyberbully ay nagawang i-hack ang iyong online accounts. Huwag sasabihin kahit kanino ang passwords dahil hindi mo alam kung gagamitin nila ito laban sa iyo. Palitan ang usernames o email addresses para mas mahirap kang makontak.
5. Iimprenta na lahat ng emails, instant messages o web pages na naglalaman ng mga salitang pangha-harass kung ayaw kang tantanan ng cyberbully. I-save din ang mga text messages sa cellphone. Kung estudyante ka at kaklase mo ang gumagawa, ipakita agad ito sa school principal kung nangyari ito sa school computers o ipaalam na agad ito sa pulisya kung inaalala mo ang iyong kaligtasan.
Comments