top of page
Search
BULGAR

Tips para maging mahusay na Emcee

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | February 19, 2022



Noong nakaraang Araw ng mga Puso, ka-date natin ang higit sa 20,000 na residenteng mula sa buong Quezon City sa Amoranto Stadium. Ito ay para sa ginanap na proklamasyon ng partidong Malayang QC para sa kandidatura nina Bongbong Marcos at Inday Sara Duterte bilang pangulo at bise-presidente ng Pilipinas. Dinaluhan ito ng lahat ng kandidato ng MQC sa pangunguna nina Congressman Mike Defensor, Winnie Castelo, mga tumatakbong kongresista at konsehal, ang mga senador ng UniTeam ni BBM at Sara, at ang dahilan ng makasaysayang pagtitipong ito — si Bongbong Marcos.


Tila yumanig ang Amoranto noong dumating si BBM kahit magte-10-oras na naghintay ang kanyang mga supporters sa ilalim ng ulan at sikat ng araw.


Masaya tayong napili bilang isa sa mga nag-emcee ng malaking event na ito. Bilang dating host ng telebisyon noong mula 1999 hanggang 2005, naging raket na rin natin ang pag-e-emcee ng mga events hanggang tayo na mismo ang nagkaroon ng munting kumpanyang nag-oorganisa ng mga kaganapan. Nakakaaliw noong sinabihan tayo ng isa nating co-host, ang batikang aktor at host na si Roderick Paulate, na kinakabahan pa rin siya sa pag-emcee na hindi naman talaga mawawala kahit gaanong karami na ang mga events na iyong hinost.


Naging matagumpay at masaya ang buong programa at nakakataba ng pusong marinig mula sa mga nakapanood na natuwa sila sa ginawa nating pag-emcee.


Kaya ngayon, nais nating ibahagi ang ilang tips sa mga nais subukang mag host na batay sa ating higit dalawang dekadang pag-emcee ng events. Hindi na mabilang ng inyong lingkod ang mga events na ating na-host, kabilang ang mga internasyunal na malakihang pagtitipon, seryosong kumperensiya, corporate events at maging mas maliliit na okasyon.


1. Una sa lahat, isaisip na walang malaki o maliit na kaganapan. Kung ikaw ang mag-e-emcee, bigyan ng magkaparis na atensiyon at passion ang trabaho. Damhin na espesyal ang bawat okasyon, at higit sa lahat, ang bawat isang dumalo rito.


2. Mag-aral! Hindi sapat ang salita nang salita lamang. Alamin bago ang event ang kasaysayan ng kompanya o taong pinag-e-emcee-han upang malaman ang importanteng impormasyon. Maaari itong maging trivia sa pananalita upang magkaroon din ng laman ang mga sinasabi sa entablado.


3. Pag-aralan ang manonood o audience. Alamin kung ano ang kanilang mga hilig upang maging angkop din ang pananalitang gagamitin.


4. Isiping mabuti kung paano uumpisahan nang “malakas” ang event. Ang paninimula ng programa ang isa sa pinakamahalaga at challenging na bahagi ng programa. May kasabihan nga na “First impressions last” at totoo ito. Ang panimula ang magsasaad ng buong tono ng programa. Sa Amoranto kung saan kailangan kong gisingin at kalampagin ang mga manonood, lalo na at bumuhos ang ulan noon na nasundan ng sobrang init ng araw at pagod na agad ang mga tao, mahalagang maging excited sila sa mga magaganap na siya nating ginawa. Tayo mismo ang nagpakitang sabik na tayo sa mga mangyayari. Kailangan nating maging kumpiyansa sa nakakaengganyong script na magtatakda ng tono para sa natitirang bahagi ng iyong palabas.


5. Ipaliwanag kung bakit espesyal ang kaganapan. Bilang emcee, trabaho nating bigyan ng buhay ang kaganapang iyong iniho-host at ipakita kung bakit espesyal ang okasyon. Kung nandoon ka para mag-emcee ng kasal, pag-usapan nang kaunti kung bakit napakaespesyal ng koneksiyon ng ikakasal. Kung nagho-host ng charity event, ipaliwanag kung ang dahilan ng okasyon. Trabaho nating bigyan ng kahulugan ang kaganapan at pasiglahin ang mga tao na makarating doon.


6. Audience participation. Chikahin ang mga nanood upang maramdaman nilang bahagi sila ng event. Madalas na nagiging nakakainip ang mga programa, lalo na kung mahaba na ito. Maaaring hikayatin ang madla sa pamamagitan ng pagtatanong o sa kanila sa isang paksa. Halimbawa, sa naganap na malawakang proclamation rally sa Amoranto, hinanap natin at binigyan ng pagkakataong magpakilala sa pamamagitan ng malakas na paghiyaw ang mga residente ng bawat distrito ng QC.


7. Finish strong! Matatandaan ng madla ang iyong pangwakas na pahayag nang higit pa kaysa sa iyong pagbubukas, kaya tiyaking gumawa ng malaking pangwakas na talumpati na mag-iiwan sa lahat ng bagay na maaalala, tulad ng aktibidad ng grupo, tanong o huling sayaw. Huwag kalimutang ipadama sa mga tao na naging sulit ang pagpunta nila sa okasyon at sa tuwing maaalala nila ang pagdalo rito ay may ngiti sa kanilang labi maraming taon man ang lumipas.


8.Practice makes perfect. Huwag mabahala kung pumalpak sa unang pagkakataong nag-emcee. Tulad ng lahat ng gawain, ang pagho-host ay abilidad din na maaaring pagbutihin sa paglipas ng panahon.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page