ni Mharose Almirañez | June 19, 2022
Naranasan mo na bang mag-travel nang walang kongkretong plano’t direksyon? Kung oo, kumusta naman ang biyahe, exciting ba?
Walang masama sa pagiging adventurous, pero isipin mo na lamang ‘yung pera at oras na matitipid mo kung mayroon kang nakalatag na itinerary kumpara sa walang direksyong lakad.
Kaya mapa-solo o group travel man ‘yan, narito ang ilang tips para makarating sa pupuntahan kung sakaling magkandaligaw-ligaw ka sa kahabaan ng biyahe:
1. MAG-GOOGLE MAP O WAZE. Napakalaking tulong ng navigation apps na ‘yan para ma-locate ang iyong destinasyon. Nagsa-suggest din ito ng mga alternatibong ruta upang mas mapabilis ang biyahe. ‘Yun nga lang, nangangailangan ito ng stable internet connection, kaya napakalaking waste of time kapag nawalan ka na ng signal dahil magugulat ka na lang na nasa kabilang ibayo ka na pala ng ‘Pinas. Kaya, beshie, bago bumiyahe ay siguraduhing nag-test drive muna at i-research kung paano ka makakarating sa ‘yong pupuntahan. Isulat mo na rin sa papel ang bawat landmark para maging smooth ang iyong journey.
2. TINGNAN ANG MGA SIGNAGE. Tutal, naisulat mo sa papel ang mga landmark, magtingin-tingin ka na rin sa bawat establisimyento kung tama pa ba ang iyong dinadaanan. Ibase mo ang lugar sa mga nakikitang gasolinahan, bangko, fast food, atbp., dahil karamihan sa mga ‘yun ay may nakalagay na address o kung anumang branch ang kinatatayuan.
3. MAGTANONG-TANONG. Sabi nga ni Susan Roces, “Huwag mahihiyang magtanong...” Magtanong ka lang sa mga taga-roon dahil mababait naman sila. Kung may trust issues ka, huwag ka na lang makipag-eye to eye contact sa kanila para hindi ka ma-hypnotize o mabudol. Tiyakin mo ring safe ang iyong kagamitan sa tuwing makikipag-interact sa ibang tao.
4. BALIKTARIN ANG DAMIT. Natural sa mga Pinoy ang maging mapamahiin, kaya kung pakiramdam mo ay pabalik-balik ka lang sa iisang lugar, puwede mong baliktarin ang iyong damit dahil baka napaglalaruan ka lang ng kung anong elemento. Walang mawawala kung maniniwala at susunod ka sa makalumang pamahiin, lalo kung liblib na lugar ang iyong pupuntahan. Ikaw na ang mag-“tabi-tabi po” at huwag kang basta iihi o magtuturo kahit saan.
Samantala, gaanuman kalayo ang iyong marating, siguraduhin mo lang na alam mo pa ring bumalik kung saan ka nagmula, sapagkat sabi nga nila, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”
So, beshie, ready ka na bang bumiyahe?
Comentarios