ni Mharose Almirañez | June 23, 2022
Pumalo na sa mahigit P13 trilyon ang utang ng ‘Pinas, kaya hindi na nakapagtataka kung ikaw na isang ordinaryong mamamayan ay mayroon ding napakalaking utang kung kani-kanino.
‘Yung tipong, hindi ka pa nga bayad sa huli mong utang ay uutang ka na naman ng panibago hanggang sa magpatong-patong na at kung anu-anong pag-aari na ang naiisip mong isangkalan para lamang makapagbayad ng utang.
Sabi nga ng wealth coach na si Chinkee Tan, “The problem is not your debt, the problem is the person who is in debt.”
Kaya bilang gabay sa mga mahihilig mangutang d’yan, narito ang ilang tips bago ka pa tuluyang mabaon sa napakalaking utang:
1. IWASANG MANGUTANG KUNG ‘DI KA PA BAYAD SA NAUNANG UTANG. Halimbawa, may 20 years kang binabayaran na housing loan, pero gusto mong kumuha ng sasakyan via bank financing naman. Ang siste, magkakasabay ang milyones mong utang. Kaya ang tanong, saan ka kukuha ng pambayad, sapat ba ‘yung income mo? Kanino ka uutang kapag na-short ka sa monthly, kay “Pepito my friend”?!
2. MAGBAYAD PAUNTI-UNTI. Ilista mo ‘yung mga utang mo simula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki. Simulan mong maghulog sa bawat inutangan ng tig-P500 o kung magkano ang kaya ng budget mo. Sa paraang ‘yan, hindi mo namamalayang fully paid na pala ‘yung pinakamaliit mong utang, at ‘yung sumunod sa pinakamaliit, at ‘yung pangatlo, hanggang maubos na ‘yung balance mo sa ‘yong mga pinagkakautangan. Take note, matuto kang magbayad ng utang kung ayaw mong dumating sa point na wala nang may gustong magpautang sa iyo kung kailan kailangang-kailangan mo ng pera.
3. ‘WAG MAKIUSO. Naku, usong-uso ‘yan nitong summer! ‘Yung tipong, may mangungumusta sa ‘yo sa chat, pero ang ending ay mangungutang lang pala dahil kinapos daw ‘yung budget niya papuntang Boracay, knowing na mayroon pa siyang existing utang sa ‘yo at sa iba mong kakilala. Very wrong talaga ‘yan, beshie. Take note ulit, huwag na huwag kang mangungutang para lang makapagpa-impress o may magandang mai-post sa social media dahil sa true lang, mukha kang social climber. Wala namang masama na ilibre ang sarili, pero ‘wag sanang sumobra, lalo’t hindi mo naman afford makipagsabayan sa lifestyle ng iba. Kada labas ng pera sa wallet, isipin mo, “Kasama ba ‘to sa budget?” “May panggastos pa ba ako kinabukasan kapag nagwaldas ako ng pera ngayon?” Malamang kasi na kapag nagkagipitan ay kumapit ka na naman niyan sa utang.
4. MAGHANAP NG EXTRA INCOME. Kung may gusto kang i-maintain na lifestyle, aba’y kailangan mo talagang magdoble-kayod. Hindi ‘yung puro ka lang swipe sa credit card hanggang ma-overdue ka na. Matuto kang mag-budget, mag-save at mag-invest, hindi puro labas lang ng pera sa wallet. Dapat mo ring ilista kung saan napunta ‘yung mga nagastos mo nang sa gayun ay hindi ka magtataka kung ano’ng nangayari sa pera mo. Magsipag ka, besh. ‘Wag puro “Deserve ko ‘to”, at gastos now, pulubi later.
5. MAGTAKDA NG DEADLINE. Bilang responsableng mangungutang, ikaw na ang mag-set ng deadline kung kailan mo dapat matapos ang pagbabayad sa ‘yong mga inutangan. Kailangan mayroon kang target date. Hindi ‘yung matapos kang pautangin ay magkakalimutan na’t iba-block mo na sa Facebook ‘yung nagpautang sa ‘yo para hindi niya makita ‘yung ipino-post mong kasosyalan o kaya nama’y magpapatay-malisya ka na lamang sa utang mo’t hahayaang magkalimutan.
Tandaan, hindi porke nakikita mong mapera ‘yung nagpautang sa ‘yo at hindi ka niya sinisingil ay hindi na niya kailangan ng pera. Una sa lahat, sino ba’ng may ayaw sa pera? Ayaw mo naman sigurong humantong sa punto na magkasiraan kayong magkaibigan o magkamag-anak nang dahil lang sa pera, ‘di ba? Bayad-bayad din, besh!
Comments