top of page
Search
BULGAR

Tips para dumami ang gatas ng ina

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 23, 2021





Dear Doc. Shane,

Anytime, this month ay manganganak na ako sa aking panganay. Maaari bang bigyang-kaalaman ninyo ako tungkol sa mga sanggol? May kaibigan kasi akong naimpeksiyon ang pusod ng kanyang anak, bumaho raw ito at matagal bago nalaglag ang pusod. Plano ko ring magpa-breastfeed. – Shaina Marie


Sagot

Para maiwasan ang impeksiyon ng bagong putol na pusod, panatilihin itong malinis at tuyo. Kung mas tuyo, mas madaling malalaglag ang natitirang balat at gagaling agad. Dahil dito, mas maigi kung hindi gagamit ng bigkis o kung sakali man ay tiyaking maluwag ito at para palaging mainit ang pakiramdam ng bata, itabi sa katawan ng ina.


Sunding mabuti ang mga sumusunod:

  • Palitan ang lampin ng sanggol tuwing mababasa ito o marurumihan

  • Kapag namumula ang balat, palitan nang mas madalas ang lampin o ‘wag na lampinan

  • Kapag natanggal na ang natitirang balat ng pusod, paliguan ang sanggol ng hindi matapang na sabon at ng maligamgam na tubig

  • Ang mga taong may nakahahawang sakit ay hindi dapat humawak o lumapit sa sanggol

  • Ilagay ang sanggol sa malinis na lugar na malayo sa usok at alikabok

Tama ang desisyon mo na mag-breastfeeding, pinakamabuting pagkain para sa sanggol ang gatas ng ina. Ang mga sanggol na sumususo sa ina ay mas malusog, mas malakas at mas malayo sa mga sakit.


Kailangang pasusuhin ng ina ang sanggol, pagkasilang na pagkasilang nito. Sa mga unang araw, kadalasan ay kakaunti pa lang ang gatas mula sa suso ng ina, ito ay normal. Hindi dapat magsimulang magpasuso sa bote, sa halip, dapat pasusuhin nang madalas ang sanggol sa suso ng kanyang ina. Ang pagsuso ng sanggol ay makatutulong para dumami ang gatas ng ina.


Kung sapat ang gatas ng ina, gatas lang niya ang dapat ibigay sa bata sa loob ng apat hanggang anim na buwan. Pagkaraan, ituloy pa rin ang pagpapasuso, pero kailangan ding bigyan ang bata ng iba pang masusustansiyang pagkain.


Mga paraan para magkaroon ng maraming gatas ang ina:

  • minom ng maraming likido

  • Kumain nang marami hangga’t maaari, lalo na ng gatas, mga produktong mula sa gatas at mga pagkaing nagpapalaki ng katawan

  • Matulog nang mabuti at iwasan ang pagpapagod o pagkayamot

  • Magpasuso nang madalas

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page