top of page
Search
BULGAR

Tips sa pagbabadyet para sa mga bagong negosyante

ni Loraine Fuasan @Life & Style | March 26, 2023





Ang pagba-badyet ay isang diskarte kung paano mapupunan ang iyong pangangailangan base sa hawak mong pera.


Pagdating sa pagnenegosyo, malaking bagay ang pagba-badyet dahil ito ang hakbang para matukoy ang halaga ng ilalabas na pera, gayundin, kung paano gagamitin ang budget sa bawat pangangailangan ng iyong negosyo.


Ang pagba-badyet ay pundasyon ng kaunlaran at seguridad ng negosyo. Nagbibigay-daan upang subaybayan at mas maunawaan kung ang iyong kabuhayan ay nagdadala ng sapat na kita upang maibalik ang iyong puhunan at matiyak na may kikitain ka.


Maaari kang gumawa ng mas mahusay na mga desisyon sa pananalapi sa pamamagitan ng tamang pagba-badyet gamit ang mga tips na ito:



1. MAGING REALISTIC SA PAG-BABADYET NG PERA. Ibig sabihin, isantabi ang pagiging magarbo para sa negosyo at magpokus sa kung ano ang mayroon ka. Ito ang paraan upang makagawa ka ng mas mainam na desisyon para sa ikabubuti ng iyong negosyo. Kung kaya, maging wais sa pagtitipid at huwag isakripisyo ang kalidad ng iyong produkto. Dapat nakabase ka sa aktuwal na sitwasyon o calculated projections. Halimbawa, sa presyo ng bilihin, renta, utilities, at target market.


2. MAGLISTA NG MGA KAILANGAN PARA SA IYONG NEGOSYO. Dapat may talaan ng lahat ng pera na pumapasok at lumalabas. Halimbawa, kung nagbebenta ka ng mga merienda, upang makabili ng mga sangkap para rito, kailangan mong ilista ang lahat ng mga kailangang bilhin dahil maaaring ikagulat mo ang maliliit na bagay kung makalimutan mo ang mga ito. Kahit ang mga ito ay maliit na negosyo, ang lahat ng mga gastos sa pagpapatakbo nito ay dapat na nakalista.

3. IPRAYORIDAD ANG MAHAHALAGANG GASTOS. Isa sa dapat matutunan ng bawat bagong negosyante ay ang unahin ang mga priority expenses tulad ng inuupahang puwesto, utilities, at sahod ng mga staff. Sanayin ang sarili na unahing bayaran ang mga ito dahil ito ang pundasyon ng magandang negosyo.

4. MAGHANDA PARA SA MGA ‘DI INAASAHANG PANGYAYARI. Halimbawa, noong nagsimula kang magtayo ng karinderya, ay P40 lang ang presyo ng bigas per kilo, pero ngayon ay nasa P55 na dahil sa inflation. Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang may backup plan ka, halimbawa, maghanap ng bagong supplier.

5. ‘WAG MAGSAYANG NG KAGAMITAN. Huwag mag-aksaya ng mga kagamitan na puwede pang gamitin sa iyong negosyo. Kung hindi pa naman masaydong sira at puwede pang magamit, pagtiyagaan ito upang makatipid, ngunit siguraduhin na palaging malinis ang lahat ng kagamitan, lalo na kung ito ay ginagamit sa pagluluto.


Ang mga tips na ito ay siguradong malaking tulong sa pagpapaunlad ng iyong negosyo.


Tandaan at isagawa ang mga ito kung nais mong magnegosyo o kung kabilang ka sa mga nagsisimulang negosyante. Okie?


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page