ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 25, 2021
Dear Doc. Shane,
Ano ba ang dapat gawin kapag palaging sumasakit ang likod, partikular sa ibabang bahagi nito? – Beng
Sagot
Low back pain ang pananakit sa ibabang bahagi ng likod. Isa itong sintomas o senyales ng isang karamdaman sa buto, laman, ugat at kasukasuan na matatagpuan sa bahaging ito ng katawan. Madalas na hindi malala ang dahilan ng pananakit na ito at kalimitang nawawala ito nang kusa.
Maraming puwedeng maging dahilan ng pananakit ng likod. Kalimitan na ang sobrang paggamit (overuse) sa bahaging ito ng likod o maling posisyon ng katawan ang siyang nagdudulot ng matinding pagkapagod sa laman, buto at kasukasuan na nararamdaman natin bilang sakit.
May mga nakaaalarmang dahilan din na dapat bigyan ng agarang pagsusuri. Ito ay kapag ang dahilan ay impeksiyon, kanser, pagkaipit ng ugat o nerve impingement at rayuma sa buto o osteoarthritis.
Ilang paraan maibsan ang pananakit ng likuran:
Ang pinakamainam na posisyon ay ang paghiga nang patihaya sa sahig na may unan sa ilalim ng tuhod o kaya ay iangat ang tuhod sa isang upuan. Ito ay para mabawasan ang timbang sa ating likod na siyang nagdudulot ng karagdagang sakit. Maaari itong gawin ng isa hanggang dalawang araw para mapahinga ang ating likod.
Pero importante pa rin na maglakad-lakad nang pakaunti-kaunti at dahan-dahan kada ilang minuto kahit na masakit dahil ang hindi paggalaw ay makapagdudulot ng panghihina ng mga kalamnan na maaaring makapagpapatagal sa pagkawala ng sakit.
Uminom ng gamot tulad ng paracetamol o ibuprofen kung kailangan. Kung hindi kayanin ng mga over-the-counter drug ang pananakit, magpakonsulta upang makakuha ng mas matapang na gamot.
Kumonsulta agad sa doktor kung:
Ang sakit ay umabot na hanggang sa hita pababa sa inyong mga binti
May pamamanhid ng hita, paa, bahagi ng ari at puwitan
May pagkawala ng kontrol sa pagdumi at pag-ihi
Ang pananakit ay dulot ng aksidente
Hindi na makakilos nang mabuti sa sobrang pananakit
Hindi na gumiginhawa pagkatapos ng dalawa hanggang tatlong linggo
May kaakibat na pananakit ng dibdib
Biglaang panghihina ng hita, paa at binti
Comments