top of page
Search
BULGAR

Tips kung paano magagamot ang pamamanas

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 24, 2021


Dear Doc. Shane,

Ilang araw nang minamanas ang mga paa ng aking misis. May diabetes din siya subalit, may maintenance namang iniinom. Masama ba ito, may sakit kaya sa bato ang aking misis? Ano ba ang sanhi ng pamamanas ng mga paa ng tao? – Renzo


Sagot

Ang pamamanas ng mga paa ay maaaring sanhi ng maraming uri ng karamdaman; ang iba ay malala, ang iba naman ay hindi. Gayunman, kapag minanas ang mukha o ibang bahagi ng katawan, palatandaan ito ng malubhang karamdaman.


Kung minsan, ang mga paa ng babae ay minamanas sa huling tatlong buwan ng pagbubuntis. Kadalasang, hindi ito delikado at dahil lamang ito sa bigat ng dinadalang sanggol na dumadagan sa mga ugat na nanggagaling sa mga binti at pumipigil sa tuluyang na pagdaloy ng dugo. Gayunman, kapag minamanas din ang mukha at mga kamay, nahihilo o may problema sa paningin o kaunti ang ihi, ang babae ay maaaring may toxemia o pagkalason sa pagbubuntis. Magpatingin agad sa doktor. Kadalasan, namamanas ang mga paa ng matatandang tumatayo o umuupo nang matagal sapagkat napipigil ang mahusay na pagdaloy ng dugo. Gayunman, nagiging resulta rin ito ng sakit sa bato o puso.


Ang pamamanas ng mga paa sa mga bata ay maaaring sanhi ng anemya o malnutrisyon. Sa mga grabeng kaso, minamanas din pati ang mga kamay at mukha.


Para mabawasan ang pamamanas, gamutin ang pinagmumulan ng problemang ito. Iwasan o gumamit lamang ng kaunting asin o patis sa pagkain. Makatutulong din ang pag-inom ng tsaa.


Gawin din ang mga sumusunod:

  • Huwag umupo nang nakababa ang mga paa

  • Kapag umuupo, itaas ang mga paa para mabawasan ang pamamanas nito. Paulit-ulit itong gawin sa loob ng isang araw

  • Matulog din nang nakataas ang mga paa

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page