patay sa Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 26, 2020
Kahanga-hanga ang mga bata na patuloy pa ring nagsisikap na umunlad sa buhay sa kabila ng pagkakaroon ng kondisyon sa kanilang pisikal na katawan na nagdudulot (o nagbabadyang magdulot) ng limitasyon sa kanilang mga kakayahan. Isa si Melvin Karl G. Elipane sa kapuri-puring mga batang ito. Ayon sa salaysay ng kanyang ina na si Gng. Janet G. Elipane:
“Noong si Melvin ay pitong buwan pa lamang, ang kanyang physical na kundisyon, lalo na ang kanyang mga mata ay hindi normal kaya pinasuri namin siya sa isang ospital sa Cabanatuan City kung saan dumaan siya sa CT scan examination. Subalit ang doktor na sumuri sa kanya ay hindi masabi kung ang bagay na nasa kanyang utak ay tumor o ugat lamang.
“Nang sumapit siya sa pitong taon, ipinasok namin at nag-aral siya sa isang paaralang elementarya sa Nueva Ecija.”
Si Melvin ay nagpunyagi upang maging normal na estudyante. Nais man nating palakpakan ang kanyang pagsusumikap, wala nang puwang ito sa mundong ating ginagalawan dahil wala na siya rito at kung papalakpak man tayo, maaaring ito ay malulunod lamang sa mga daing ng yumaong si Melvin, na kanyang ipinararating sa pamamagitan ng kanyang mga pagpaparamdam.
Si Melvin ay ipinanganak noong Nobyembre 6, 2004 at pumanaw noong Disyembre 5, 2016. Siya ang ika-21 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.
Siya ay binakunahan ng Dengvaxia noong Mayo 8, 2016 at Nobyembre 24, 2016 sa isang Rural Health Unit sa Nueva Ecija, sang-ayon sa “Dengue School-Based Immunization Program” ng Department of Health. Makalipas ang dalawa hanggang tatlong buwan matapos ang unang pagbabakuna, halos araw-araw ay nakararanas si Melvin ng pagsakit ng ulo. Subalit, nagagawa pa rin niyang makapasok sa eskuwelahan at makipaglaro sa kanyang kaibigan makaraang makainom ng gamot para sa sakit ng ulo. Gayunman, may pagkakataon na nagigising si Melvin sa madaling-araw dahil sa paninigas ng kanyang leeg. Tumitirik din ang kanyang mga mata at namamanhid ang kanyang katawan. Sa kabila nito, nasasabi pa rin niya kung ano ang kanyang nararamdaman at nanatiling gising ang kanyang diwa. Ang ganito niyang kalagayan ay tumatagal ng halos 20 minuto.
Sa mga buwan ng Nobyembre at Disyembre, 2016, nagpatuloy ang mga pagbabagong nararamdaman ni Melvin, naging seryoso ang kanyang kalagayan na humantong sa kamatayan. Narito ang ilan sa mga nangyari kay Melvin:
Nobyembre 21-23, 2016 - Hindi na nakapasok sa eskuwelahan si Melvin dahil nahihilo siya.
Nobyembre 24, 2016 - Sa kabila ng nararamdaman niyang pagsakit ng ulo, pinilit pa rin niyang pumasok sa eskuwelahan dahil iniisip niya na baka magkaroon sila ng examination. Nang umuwi galing sa eskuwelahan, sinabi niya na nahihilo siya matapos mabakunahan ng Dengvaxia. Ayon kay Gng. Elipane, “Masyado ang naging galit ko dahil hindi nila ako sinabihan na magkakaroon ng pangalawang pagbabakuna ayon sa “immunization program” at hindi nila alam na ang aking anak ay masama ang pakiramdam nang bakunahan nila ulit.”
Nobyembre 25, 2016 - Namamanhid noon ang katawan ni Melvin, nagsusuka rin siya at nahihirapan huminga. Isinugod siya sa ospital sa isang distrito ng Nueva Ecija, subalit tinanggihan siya dahil kailangan umano siyang ma-x-ray, subalit wala silang pasilidad doon. Binigyan sila ng referral sa isang ospital sa Cabanatuan City dahil nangingitim na ang mga labi niya. Tiningnan siya ng pediatrician at sinabi sa kanyang ina na may kaunting plema siya. Pinabili ng gamot ang kanyang ina at pagbalik ay binigyan si Melvin ng Dextrose IV Fluid. Makalipas ang ilang sandali, inilipat na siya sa isang kuwarto. Napansin ng kanyang ina na parang puno ng laway ang bibig ni Melvin at bulol kung magsalita.
Nobyembre 27, 2016 - Si Melvin ay muling nakaranas ng paninigas ng leeg, ang kanyang mga mata ay tumitirik at hirap na hirap huminga kaya siya ay binigyan ng injection upang bumuti ang kanyang paghinga. Binigyan din siya ng oxygen at antibiotics. Ayon sa isang nurse, sinabi ng isang doktor na ang utak niya ay nahawahan o nagkaroon na ng impeksiyon. Habang lumilipas ang mga araw, ang kondisyon ni Melvin ay palala nang palala. Madalas na siyang sumusuka ng tila plemang may dugo. May tubong inilagay sa kanyang bibig upang matulungan ang kanyang paghinga. Madalas na ring sumakit ang kanyang ulo at tiyan, gayundin, namamaga na ang ugat sa kanyang ulo.
Disyembre 3-5, 2016 - Dumumi si Melvin ng dugo at nagpatuloy ito hanggang sa mamatay siya noong Disyembre 5, 2016. Hindi nagbigay sa pamilya ni Mevin ng anumang medical certificate o record kaugnay sa pagkamatay ng huli.
Nagdadalamhati man si Gng. Elipane, nilakasan pa rin niya ang kanyang loob at dumulog sa aming tanggapan upang makamit ang hustisya para kay Melvin. Nais din niyang mabatid ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito kaya binigyan niya kami ng pahintulot na makuha ang medical records sa mga nasabing ospital at hukayin ang kalunus-lunos na labi ni Melvin upang magkaroon ng masusing forensic examination. Kagyat na isinagawa ng PAO at PAO Forensic Team ang kaukulang aksiyon.
Bagama’t may kondisyong may kapansanan (Person with Disability) si Melvin, naipakita niya ang kanyang kakayahan bilang ulirang mag-aaral at nagsisikap sa buhay. Kung naging ulira rin sana sa pagganap sa kanilang tungkulin ang mga kinauukulan, hindi sana naibuwis ang buhay ni Melvin. At dahil hindi na maibabalik ng “sana” ang buhay niya, patuloy naming isinasagawa sa PAO ang mga legal na hakbang upang maibalik sa alaala man lamang ni Melvin ang “nararapat” para sa kanya.
Comments