ni Lolet Abania | January 23, 2021
Masusing pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) kung ang UK variant ay higit na nakamamatay kaysa sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Edsel Salvana, director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng National Institutes of Health sa University of the Philippines (UP) Manila, premature pa umano na ituring na mas nakamamatay ang bagong variant sa kasalukuyan. Subalit aniya, ikinokonsidera pa rin nila ang posibilidad na mas mapanganib ang nasabing sakit.
Matatandaang nagbabala ang mga opisyal ng United Kingdom na posibleng mas nakamamatay ang UK variant ng COVID-19 na unang nadiskubre sa kanilang bansa.
Ayon kay UK Chief Scientific Adviser Patrick Vallance, may mga ebidensiyang nagpapakita na mataas ang tsansa na mamatay ang isang tao sa mga edad 60 at pataas kapag tinamaan ng UK variant ng COVID-19.
Ipinaliwanag ni Vallance na kung dati, 10 ang namamatay mula sa 1,000 senior citizens na tinamaan ng orihinal na COVID-19, posibleng pumalo sa 13 hanggang 14 ang bilang ng mamatay kapag na-infect ng bagong variant ng nasabing virus.
Samantala, kinumpirma ng DOH na may 16 na bagong kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa na umabot na sa kabuuang 17 cases.
Sa nasabing bilang, 12 kaso ay matatagpuan sa Bontoc, Mountain Province, kung saan ilan dito ay menor-de-edad, ayon sa inilabas na anunsiyo ng DOH ngayong Sabado.
Ayon sa DOH, sa 12 tinamaan ng UK variant sa Bontoc, pito rito ay lalaki at limang babae kung saan tatlo sa kanila ay below 18-anyos habang ang tatlong iba pa ay 60-anyos pataas.
“Ang kanilang mga edad ay 3 at 18. We have cases as young as 5 and 10 years, no, from these 12 cases, and the other three naman po ay over 60 years,” sabi ni DOH Epidemiology Bureau Specialist Dr. Alethea de Guzman sa isang live briefing.
Sinabi pa ni Guzman, 11 sa 12 naitalang kaso ay mula sa isang barangay.
Comments