ni Madel Moratillo @News | September 10, 2023
Pinag-aaralan ng National Security Council ang posibilidad ng pag-ban sa TikTok sa mga uniformed personnel ng gobyerno.
Gayunman, paglilinaw ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, kailangan itong pag-aralang mabuti lalo at may probisyon sa Saligang Batas patungkol sa freedom of expression and speech.
Kailangan aniyang matiyak na kung iba-ban ang TikTok sa mga empleyado ng gobyerno, ito ay batay sa national security. Ilang bansa na gaya ng Estados Unidos, India, at Canada ang nag-ban sa mga state workers sa TikTok, isang Chinese owned company.
Kasunod ito ng isyu sa posibleng data leak na magamit ng Chinese government.
Paglilinaw pa ni Malaya, sa Pilipinas sakaling kailanganin na i-ban ang TikTok, hindi naman makakasama rito ang public school teachers at mga nasa civilian agency. Sa halip ay para lang sa mga nasa security sector gaya ng Armed Forces.
Ayon naman kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Col. Medel Aguilar, meron na silang ipinatutupad na patakaran sa paggamit ng TikTok sa militar.
Comments