ni Jasmin Joy Evangelista | October 1, 2021
May panawagan ang mga negosyante at mga manggagawa kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang paniningil ng mas mataas na kontribusyon para sa Social Security System.
Ayon sa Employers' Confederation of the Philippines, isang grupo ng mga negosyante at manggagawa, dapat utusan ni Pangulong Duterte ang SSS na ihinto muna ang paniningil ng mas mataas na kontribusyon simula noon pang Enero.
Ito raw ay makakatulong upang mapanatiling buhay lalo na ang mga maliliit na negosyo sa gitna ng patuloy na pandemya.
“‘Yung mga kompanya maraming nagsasara, I think pagsasama-samahin mo itong benepisyong ito na ibibigay ng gobyerno, makakatulong 'yan sa pagkumbinsi sa mga kompanya, lalo na ang mga micro, na magbukas ulit," ani ECOP President Sergio Ortiz-Luis.
Ayon naman sa Malacañang, pinag-aaralan na ang hiling na ito ng mga negosyante at manggagawa.
"Meron nang recommendation na sinubmit ang SSS pero tinitingnan ang financial viability ng SSS at kahinaan ng negosyo at hanapbuhay sa kabila ng pandemya. So hintayin natin ang desisyon ng Pangulo," ani Presidential Spokesman Harry Roque.
Comments