ni Angela Fernando - Trainee @News | November 16, 2023
Nanawagan ang United Nations Security Council ng agaran at mahaba-habang tigil-putukan sa nagaganap na pag-atake ng Israel sa Gaza para magkaroon ng sapat na panahong makapagpasok ng tulong sa bansa.
Napagtanto ng konsehong binubuo ng 15 na bansa ang mga hakbang na hindi nila napagtagumpayan nu'ng nagdaang buwan, at nakakita ng daan para sa isang resolusyong naglalaman ng panawagang agaran at walang kondisyong pagpapalaya sa lahat ng bihag ng Hamas.
Nag-abstain ang Britain, Russia, at US sa botohan at pabor naman ang 12 na bansa para sa resolusyong isinulat ng Malta nitong Miyerkules.
Nakatuon ang naganap na pagdinig sa panandaliang paghinto o tuluyang tigil-putukan sa gitna ng Israel at Gaza na kailangan ding dumaan sa kanila upang maaprubahan.
Napagdesisyunan naman ng konsehong agarin at mas pahabain ang hiling na paghinto sa pag-atake ng Israel upang masigurong ligtas at maayos na makapasok ang mga tulong.
Sa kasalukuyan, ito ang panlimang subok ng UNSC mula nang sumalakay ang Hamas nu'ng Oktubre 7.
Comments