ni Anthony E. Servinio @Sports | September 9, 2024
Mga laro ngayong Miyerkules – Araneta
8:00 AM Adamson vs. DLSZ (HS)
9:30 AM UST vs. Ateneo (HS)
11:30 AM Adamson vs. DLSU (W)
1:30 PM UST vs. Ateneo (W)
4:30 PM Adamson vs. DLSU (M)
6:30 PM UST vs. Ateneo (M)
Nagbigay ng magandang senyales ang University of Santo Tomas kung ano ang maging takbo ng kanilang kampanya at dinurog ang University of the East, 70-55, sa pangalawang araw ng 87th UAAP Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum Linggo ng hapon. Doble ang kasiyahan at sinimulan ng UST Tigresses ang depensa ng titulo sa Women’s Division sa 86-44 pagparusa sa UE Lady Warriors.
Sa simula lang nakasabay ang UE at itinayo ang 6-4 lamang na agad binura ng UST para wakasan ang unang quarter, 18-8. Humugot ng lakas ang Growling Tigers sa Christian Manaytay, Mark Llemit at baguhan Mo Tounkara bago tinuldukan ni Nic Cabanero ang first half sa three-points kasabay ng busina, 36-19. Lalong nabuhayan ang UST at natamasa ang pinakamalaking lamang, 68-46, sa bisa ng magkasunod na buslo nina Angelo Crisostomo at Cabanero sa last two minutes.
Samantala, pumiga ang Tigresses ng 18 mula sa baguhan Karylle Sierba at 15 mula sa beterana Kent Pastrana para sa engrandeng simula. Nagdagdag ng 13 puntos, 13 rebound at walong agaw si Rachelle Anne Ambos.
Sa sumunod na laro, namayani ang depensa ng Adamson University sa 59-47 tagumpay sa Far Eastern University. Ipinagpag ng Soaring Falcons ang mabagal na simula at bumanat sa second half sa likod nina Royce Mantua, Matthew Montebon, Matt Erolon at Mudiaga Ojarike.
Namuno si Mantua na may 14 habang nagsama para sa limang tres sina Montebon at Erolon para kabuuang 21. Nanguna sa Tamaraws si Jorick Bautista na may 14, walo sa first half.
Comments