top of page

Tigasin at hindi kayang salingin na general, kapalmuks na nang-aagaw ng lupa sa South

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 23, 2021
  • 2 min read

ni Chit Luna - @Yari Ka! | January 23, 2021


Bagama’t nananatiling kabilang sa talaan ng mga lungsod na agresibo ang real estate business, hindi natin mairerekomenda ang pagbili ng lupa sa South kung saan kabi-kabila ang mga insidente ng land grabbing.


Sa likod ng kahabaan ng luntiang highway ay nakaambang peligrong dala ng sindikatong pinamumunuan ng tanyag na retiradong heneral.


Sa pinakahuling kaganapan, 29 katao, kabilang sa isang grupo ng lot owners ng yayamaning Valley Golf Subdivision ng nasabing siyudad ang nabiktima ng nasabing heneral.


Noong Biyernes, dumating ang sasakyang lulan ng pulutong ng mga armadong kalalakihang humahangos pang tumungo sa dulong bahagi ng ‘valley golf’ at doo’y tinakot at pinalayas ang mga lot owners, caretakers at blue guards ng naturang subdivision dahil pagmamay-ari daw ng kanilang among heneral ang naturang lugar.


Mayroon mga ibinahaging dokumentong pinadala ang mga biktimang inagawan ng lupa ng bruskong retired general.


Tumambad ang pangalang “General Yacap” na umano’y nag-utos sa mga armadong pulutong na pasukin at i-take-over ang lugar.


‘Susmaryosep… 29 ang lumalabas na parang inagawan lang ng kendi ni General! Tinangka na rin umano nilang humingi ng tulong sa lokal na gobyerno na agad namang nagbigay-direktiba sa PNP na iproseso ang reklamo laban sa nasabing retired PNP general.


Ang siste, nang malaman nilang si General ang irereklamo ay parang bulang nawala ang mga imbestigador at maging ang hepe na siyang personal na pinakisuyuan ng kinatawan ng city government na unang nilapitan ng mga biktima.


Wala ni isa man sa pulisya ang naglakas-loob na marinig o tugunan man lamang ang kanilang hinaing.


Huli na raw nang mabatid nila mula sa iba pang naging biktima ng land grabbing na si “General Yacap” pala’y sadyang tigasin at hindi kayang salingin sa kanyang walang humpay na agaw-lupa sa nasabing lungsod, maging sa karatig-bayan.


Lumalabas ding may mga sapagkat si General sa mga sangay ng gobyernong nangangasiwa sa paggagawad ng titulo ng lupa.


Mantakin mong may hawak na titulo ng lupa ang mga biktima, pero heto siya na bukod sa sariling titulo ay mayroon ding ilang kaduda-dudang dokumento pa itong pinangangalandakan na nagsasabing kanselado na ang mga titulong iginawad ng nasabi ring ahensiya sa mga taong na-osdo niya.


Walang nagawa ang mga kaawa-awang naagawan ng lupa makaraang makaranas ng matinding banta, dahilan upang kalimutan na lamang nila ang pundar na lupa na mula sa dugo’t pawis ng pagtatrabaho sa mahabang panahon.

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page