ni Lolet Abania | January 31, 2021
Muling bubuksan sa publiko ang tanyag na atraksiyon ng The Vatican Museum at Sistine Chapel sa kabila ng panganib ng coronavirus sa Vatican City.
Matapos ang 88-araw na pagsasara, magbubukas ang The Vatican Museum pati na umano ang Sistine Chapel, ayon sa pamunuan ng museo.
Sa inilabas na ulat, simula Lunes hanggang Sabado, ang mga sikat na landmark ng Vatican City ay bukas sa publiko.
Kinakailangan lamang na magpa-book ng ticket para sa mga interesadong muling makita at bisitahin ang nasabing lugar dahil sa limitadong slots lamang nito.
“The Pope’s Museums await you with pleasure!” base sa statement ng Vatican.
Ayon sa mga curator ng museo, habang pansamantalang nakasara ang The Vatican Museum, sinimulan nila ang pagsasaayos ng gusali, pagpapanatili ng kagandahan ng lugar at maintenance nito. Kabilang din umano ang 15th-century frescoes ng Sistine Chapel.
Bukod dito, nakatakda na ring buksan sa Lunes ang kilalang ancient amphitheatre na Colosseum na nasa Rome Forum, sa Rome.
Gayunman, nagpapatupad pa rin ng lockdown na alas-6:00 ng gabi sa buong Italy, kung saan may mahigit 88,000 nang namatay dahil sa COVID-19.
Comments