top of page
Search
BULGAR

'The Slayer' Corteza, astig sa tumbukan ng world champs

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 23, 2021




Pinatunayan ni Lee Van “The Slayer” Corteza na siya ang pinaka-astig pagdating sa pagtumbok sa karambola nang tanghaling itong kampeon sa bakbakang tinawag na Rotation: Reyes, Bustamante, Alcano, Biado, Banares, Corteza, Raga, Ignacio.


Tinalo ni Corteza, minsan nang naging World 14.1 Straightpool titlist, si Ronnie “The Volcano” Alcano, 7-4, sa finale ng kompetisyong ginanap sa Shark’s Billiards Hall ng Lungsod Quezon noong Sabado ng gabi.


Maagang nag-alburuto ang bulkang si Alcano mula sa Laguna sa pagsibad sa isang 3-1 na bentahe sa pagbubukas ng kanilang championship face-off. Ngunit nakabalikwas si Corteza, tinatawag ding “Van Van” sa pool circle, at rumatsada ng limang umuusok na tagumpay upang lumapit sa korona sa iskor na 6-3.


Sa pang-10 laro, sumargo si Alcano at nagpakita ng pormang minsan nang nag-akyat sa kanya sa trono ng World 8-Ball Championships (2007) at World 9-Ball Championships (2006). Hindi pinatayo ni “The Volcano” si Corteza upang makalipat, 4-6.


Sa pang-11 rack, naging dikdikan pa rin ang laban dahil napunta ang iskor sa 28-27 angat si Corteza pero na kay Alcano ang pagtumbok. Sa malas, sumablay ang huli kaya pagtayo ni Corteza ay nilinis na niya ang mesa para selyuhan ang korona.


Pumasok sa finals si Corteza matapos daigin sa semis si Anton “The Dragon” Raga, 6-4. Sa kabilang hati ng bakbakan ng huling apat na kalahok na nakatayo, tinalo ni Alcano si Efren “Bata” Reyes, 6-4. Matatandaang kamakailan lang ay namayagpag sa “The Duel” ang tambalan nina Alcano at Reyes. Double world champion din si Reyes kagaya ni Alcano. Hari siya sa buong mundo ng 9-Ball noong 1999 habang walang nakadaig sa kanya sa 8-Ball noong 2004.


Bukod kina Corteza, Alcano, Raga at Reyes, nag-ambisyon din sa trono ng torneo pero nabigo sina dating world 9-Ball titlist Francisco “Django” Bustamante at Carlo “The Black Tiger” Biado ganundin ang mga batikang sina Jeffrey Ignacio at Jericho Banares.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page