ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 7, 2023
Sa dinami-dami ng mga nagpupursige at iba’t ibang grupo na kumikilos upang maisaayos ang kalagayan ng ating mga ‘kagulong’, hanggang ngayon ay hindi pa rin naisasabatas ng Kongreso ang panukalang gawing legal na ang operasyon ng mga motorcycle taxi.
Habang tumatagal, padami naman nang padami ang mga motorcycle taxi na mula sa iba’t ibang grupo at ang iba ay nagkaroon lamang ng motorsiklo ay namasada na bilang taxi, kaya ang resulta kani-kanya at walang sinusunod na panuntunan.
Kahit saang lugar ay naglipana na ang mga motorcycle taxi at dahil walang tagapamahala, dumarami ang nag-uusbungang reklamo kabilang na ang hindi pare-parehong singil depende sa gusto ng may-ari ng motorcycle taxi.
Isa sa labis na naapektuhan ay ang kumpanyang Angkas dahil mariin nilang itinatanggi na mula sa kanilang hanay ang mga pasaway na rider na umano’y inirereklamo ng overcharging ng Coalition of Filipino Commuters (CFC).
Gayunman, naglabas ng pahayag ang pamunuan ng Angkas na hindi sila mangingiming parusahan ang kanilang mga rider sakaling mapatunayang may ginagawa talagang pang-aabuso.
Nabatid na pormal na nagsampa ng reklamo ang CFC laban sa Angkas sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) dahil umano sa pagkabigo nitong disiplinahin ang mga abusado nilang rider na maningil ng sobra-sobrang pamasahe sa kanilang mga pasahero.
Mabuti ang isinagawang ito ng CFC upang kahit paano ay may kumilos para sa mga hindi maayos na operasyon ng mga service provider at sana ay hindi manatiling reklamo lamang ang kanilang ginawa upang makarating ito sa tamang lupon para maimbestigahan.
Kaawa-awa kasi ang ating mga ‘kagulong’ na lumalaban nang patas at hindi nang-aabuso dahil nadadamay sila sa ilang nananamantala at epekto ito ng hanggang ngayon ay wala pa ring batas para maging legal ang motorcycle taxi sa bansa.
Sabagay, handa naman ang pamunuan ng Angkas sa lahat ng mga katanungan laban sa kanilang mga driver dahil kinakitaan sila ng pagsisikap para mas maging maayos ang kanilang mga operasyon, kaya lang, hindi maiiwasang may mga pasaway talagang rider.
Sa katunayan, ang Angkas ay katuwang ng pamahalaan sa pagkakaloob ng ligtas at maaasahang motorcycle taxi ride-hailing services sa pangunguna ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Maganda ang simulaing ito ng TESDA dahil ang mga ‘kagulong’ nating nagtapos ng pagsasanay ay magkakaroon ng mas malaking oportunidad kumpara sa walang pagsasanay, na bukod sa sinanay sa tamang pagmamaneho ay tinuruan pa ng tamang pagsunod sa batas-trapiko.
Inilunsad ng TESDA at Angkas ang five-day Basic Motorcycle Driving Program upang makapagbigay ng pormal na training sa mga motorcycle riders at magkaroon ng basehan ang mga dumaan sa propesyunal na pagsasanay.
Kaso ngayon, heto na naman, dagsa ang reklamong natatanggap ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa mga motorcycle taxi rider na namimili umano ng isinasakay na pasahero, kumbaga ginagaya na nila ang normal na taxi.
Mas binibigyan umano ng prayoridad ang mga pasaherong agad na nagbibigay ng tip o pumapayag sa kontratang inaalok ng rider, na maliwanag na nagsisimula na ang dati pang sistema ng mga taxi driver.
Hindi dapat binabalewala ng DOTr ang mga ganitong klase ng reklamo dahil ang apektado rito ay ang mahihirap nating kababayan at manggagawa dahil sila lang naman ang parokyano ng motorcycle taxi na ito.
Sa palagay ko ay naaabuso ang isinasagawang pilot testing dahil ang alam ko ay tatlong motorcycle taxi players lang ang binigyan ng pagkakataon, pero mas marami na ang nakikisabay dahil wala namang batas para gawing legal ang operasyon ng motorcycle taxi sa bansa.
Sa TESDA, saludo tayo sa pagsisikap nilang maging propesyunal ang ating mga rider, pero sana lang ay isama nila sa kanilang programa na kung magiging rider ng motorcycle taxi ang kanilang sinanay ay ituro nilang masama ang overcharging at isang klase ito ng pagnanakaw.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments