top of page
Search
BULGAR

Teknolohiya, malaking tulong sa pag-asenso

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | April 15, 2024


 

Anglaki pala ng itinaas ng cybercrime cases sa mga unang buwan ng taong kasalukuyan.

Sa report kasi ng Philippine National Police (PNP), lumalabas na mula Enero hanggang Marso ngayong taon, umabot sa 4,469 cases ang naitala ng Anti-Cybercrime Group (ACG). Ibig sabihin, tumaas nang 22 porsyento ng mga kasong ito mula sa 3,668 cases sa mga katulad na buwan noong 2023.


Ayon kay Major General Sidney Hernia, karamihan sa mga kasong ito ay pinangungunahan ng online selling scams, debit and credit card fraud at investment scams. Ani Hernia, dahil dumarami na ang bilang ng mga Pinoy na nakapapasok sa online activities, dumarami rin ang nabibiktima ng cybercriminals.


Sa palagay natin, posible na ang mga biktimang ito ay ‘yung mga bagong pasok lang sa social media o bagong rehistro sa mga online activities. Sila kasi ‘yung mga naninibago pa o baguhan pa lang sa socmed at madali pang mapaniwala sa mga nagkalat na panloloko ng online scammers.


Noong mga nakalipas na taon ng pandemya, tumaas ang bilang ng mga tao sa buong mundo na naging aktibo sa online activities at lumawak din ang technology use tulad ng e-commerce at online transactions sa gobyerno. Dumami ang nagsa-shopping online dahil hindi nga tayo puwedeng lumabas ng bahay sanhi ng mga lockdown. 


Kahit paano, may maganda pa rin namang naidulot sa atin ang exposure sa teknolohiya during the pandemic. Ang nakalulungkot lang, sinamantala rin ito ng mga tiwaling tao na ang naging puntirya ay ang mga customer na madaling mapaniwala.  


Sabihin man nating nakaaalarma ang mga ulat na tulad nito, masasabi pa rin naman nating maganda ang naitutulong sa atin ng teknolohiya dahil ang mundo ay nasa digital age na.


Sa totoo lang, ang mga naglalakihang kumpanya sa bansa ay gumagamit ng teknolohiya sa lahat ng aspeto ng kanilang operasyon dahil mas nakatutulong ito para mas maging mahusay ang kanilang serbisyo at produksyon. Sa pamamagitan ng teknolohiya, napauunlad nila ang kanilang negosyo.


Ang teknolohiya, mula pa noon, kung ating mapapansin ay napakabilis na magbago at maging mas modern sa pagdaan ng panahon. Napakabilis at karamihan sa mga bansa, hindi halos makahabol sa mabilis na technology evolution. Ang AI o artificial intelligence ay isa sa mga napakabilis na modernisasyon sa teknolohiya. Marami man ang bilib na bilib dito, marami rin ang nababahala dahil sa iba’t ibang sitwasyon na maaaring maapektuhan sa paggamit ng AI ng mga kumpanya at industriya.


Nawiwili sila sa paggamit ng AI dahil nga naman sa malaking tulong na nagagawa nito sa pag-analisa at pagproseso ng mga datos. Halimbawa na lamang sa healthcare system – ginagamit na rin ang AI ngayon para mag-diagnose ng karamdaman. Ayon pa nga sa ibang report, mas magaling pa raw minsan mag-diagnose ang mga AI, kumpara sa mga totoong doktor.


Sa agrikultura, nagagamit na rin ang AI dahil napapakinabangan ito ng mga magsasaka sa mga usaping tulad ng automated machinery, pag-monitor ng klima at ng climate change. Malaki rin ang naitutulong ng AI sa pagpapalago ng mga pananim at sa pagpapataas ng agricultural production, gayundin sa kalidad ng mga ani.


Maging ang automobile manufacturers, dumidepende na rin sa AI dahil mas napapa-improve daw ang kaligtasan ng kanilang mga ginagawang sasakyan. Nakatutulong din ang AI sa pag-manage ng traffic dahil alam nila kung paanong iiwasan ang mga delay at ang mga masisikip na trapiko. Kaya rin nitong ma-detect ang mga posibleng aksidente kaya’t magagawan niya ng paraan para maiwasan ang mga ito.


Dahil nakikita natin ang malaking pakinabang sa teknolohiya, malaki ang naging kaugnayan nito sa iniakda nating batas, ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act. Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan ang Tatak Pinoy Council na makipag-ugnayan sa Department of Science and Technology, sa National Innovation Council, sa Philippine Space Agency, sa mga public and private higher education institutions na may magandang track record sa scientific and technological research, gayundin sa mga relevant industry groups upang matukoy ang mga  advance strategic, market-driven, at customer-centric R&D activities and technology transfer initiatives na pawang mahalaga para maisakatuparan ang nilalayon ng batas na ito.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page