top of page
Search
BULGAR

TEIs, repasuhin para sa dekalidad na pagtuturo

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Pebrero 22, 2024


Napakahalaga ng mga public hearing na ginagawa natin sa Senado. Importante rin ang pagsubaybay ng publiko sa ating mga talakayan sa sektor ng edukasyon — kung saan mapapanood ito sa YouTube at iba pang official social media platforms ng Senado at ng inyong lingkod — upang maging maalam at mapagmatyag tayo sa mga pinakahuling kaganapan o anumang pagbabago sa sistema at sa mga paaralang pinapasukan ng ating mga anak.


Isa na rito ang mungkahi ng inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education na repasuhin ang mga non-performing Teacher Education Institution (TEIs). Ito ang mga kolehiyo na hindi nagtatagumpay na magkaroon ng Licensure Examination for Teachers (LET) passers.


Sa nagdaang hearing tungkol sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), ibinahagi ng Chairperson ng Technical Panel for Teacher Education of the Commission on Higher Education (TPTE-CHED) na si Dr. Edizon Fermin na maglalabas ng isang CHED Memorandum Order para sa unti-unting pagtanggal ng dalawang uri ng TEIs: iyong mga hindi maayos ang performance sa LET at iyong mga hindi nakakasunod sa pamantayan ng komisyon.


Mayroon naman kasi tayong solusyon sa hindi pagkakatugma ng pre-service at in-service. Sa pamamagitan ng isinabatas na Excellence in Teacher Education Act, pinapatatag natin at binibigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang Teacher Education Council.


Kabilang dito ang pagbibigay ng mas malaking boses sa DepEd para tiyaking may ugnayan sa lahat ng yugto ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro mula pre-service education sa kolehiyo hanggang sa in-service education sa panahong nagtuturo na sila. Patuloy nating hinihintay na maipatupad nang ganap itong naturang batas.


Sa ulat na pinamagatang “Miseducation: The Failed System of Philippine Education,” walang alinlangang pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mababang passing rates sa LET at mahinang quality assurance ng mga TEI. Mula 2009 hanggang 2023, ang average LET passing rate sa elementary ay 33 porsyento habang 40 porsyento naman sa secondary.


Napansin din ng komisyon na mula 2012 hanggang 2022, 77 na mga Higher Education Institution (HEIs) na may programang Bachelor of Elementary Education at 105 HEIs na may programang Bachelor of Secondary Education ang nagpapatuloy sa kanilang mga operasyon kahit na wala silang graduate students na pumapasa sa LET.


Malinaw na indikasyon ito ng mariing pangangailangan na maituwid ang mga pagkakamali at mapunan ang mga pagkukulang ng mga paaralan. Naniniwala tayo na kung maganda ang mismong pundasyon ng mga guro, inaasahang dekalidad din ang ibibigay nilang klase ng pagtuturo sa kanilang mga mag-aaral.


Katuwang ang Senate Committee on Higher Education at EDCOM II, sinusuportahan natin sa Senate Committee on Basic Education ang unti-unting phaseout ng underperforming TEIs.



 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page