top of page
Search
BULGAR

Teenager na apo, super-pasaway kaya problemado

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 22, 2021



Dear Sister Isabel,

Ibig kong ihingi ng payo ang apo ko na ubod ng tigas ng ulo. Nasa abroad ang anak ko na nanay ng batang ito. Biyuda na ang anak ko, habang teenager naman ang apo ko na nag-asawang bigla dahil nabuntis ‘yung babae at inuwi rito sa bahay. Hay naku, Sister Isabel, lalong nadagdagan ang problema ko, ang anak ko ay parang walang balak bumalik dito at kaunti lang ang ipinadadalang pera dahil maliit lang daw ang sahod niya bilang domestic helper.

Wala akong masabi kundi pasaway talaga ang batang ito dahil ayaw makinig ng pangaral.

Pumapasada siya ng tricycle at boundary lang ang ibinibigay sa kanya. Bigla siyang hindi nakauwi at ‘yun pala ay nakakulong na ngayon sa municipal jail namin. Itinuro raw siya ng kasamahang tricycle driver na sangkot sa droga. Hindi ko na malaman ang gagawin dahil manganganak pa itong asawa niya na nasa poder ko. Hintay nang hintay sa kanya ‘yung babae para ipambili ng pagkain ang kita niya sa pagpasada, pero bigla na lang siyang hindi nakauwi.

Ako naman ay matanda na, hinihintay ko lang ang padala ng nanay niya, pero nade-delay din. Hirap na hirap na ako sa sitwasyon ko ngayon. Sana ay mapayuhan ninyo ako ng dapat kong gawin.


Nagpapasalamat,

Lita ng Paco Manila


Sa iyo, Lita,

Sadyang ganyan ang buhay, bahagi na ng buhay natin ang mga problemang kakaharapin at lahat ay may kani-kanyang problema, iba-iba nga lang ng sitwasyon.


Huwag kang panghinaan ng loob dahil ang lahat ng problema ay may solusyon at walang permanente sa mundo, lahat ay dadaan at lilipas. Huwag mong masyadong dibdibin ang problema mo dahil ikaw na rin ang nagsabi na matanda ka na. Pag-iingat lang sa sarili mo ang iyong dapat gawin at baka ikaw ang magkasakit, lalong malaking problema ‘yan.


Tutal, may nanay naman ang apo mo at may asawa na, sila dapat ang gumawa ng paraan. Sabihin mo sa iyong anak ang sinapit ng apo mo, huwag kang maglihim. Lahat-lahat ay sabihin mo at natitiyak ko na siya ang gagawa ng kaukulang solusyon sa katayuan ninyo ngayon.


Tumawag ka rin sa Diyos na may lalang sa ating lahat. Magdasal ka nang taimtim. Baka nakakalimutan mo nang magdasal, kaya dumarating sa buhay mo ang matitinding problema. Taimtim na panalangin ang makakatulong sa iyo. Gagabayan ka ng Holy Spirit sa dapat mong gawin. Gayundin, ipanatag mo ang iyong isipan, mamahinga at manalangin ka. Matulog ka kung kinakailangan para mapanatag ang pagod na isipan.


Kapag magulo kasi ang isip at palaging nag-aalala, hindi makakapasok ang Holy Spirit. Hindi mo maririnig sa iyong konsensya ang dikta ng banal na espiritu para sa kalutasan ng problema mo. Payapain mo ang iyong isipan at taimtim kang magdasal. Sa mga susunod na araw, malulutas na ang problemang gumugulo sa iyong isipan. Diyos ang kikilos, basta’t manalig ka lang nang walang pag-aalinlangan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page