ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 18, 2023
Mahalaga ang pagbibigay proteksyon sa mga kababaihang mag-aaral laban sa teenage pregnancy o maagang pagbubuntis. Mabuti’t bumaba na ang bilang nito. Mula sa sa 8.6% na naitalang nabuntis sa age group na 15 hanggang 19 taong gulang noong 2017, iniulat sa 2022 National Demographic and Health Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 5.4% o mahigit 5,000 ng mga babaeng nasa parehong age group ang naitalang nabuntis.
Ayon sa ahensya, naitala sa 15 rehiyon noong nakaraang taon ang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng teenage pregnancy. Pero sa Cordillera Administrative Region at Western Visayas ay umakyat pa ang mga kaso nito.
Batay sa survey, bumababa ang porsyento ng teenage pregnancy kung mas mataas ang educational attainment o tinapos sa pag-aaral ng mga bata. Sa mga nakatapos ng Grade 7 hanggang Grade 10 halimbawa, 5.3% ang nabuntis, 4.8% sa mga nakatapos ng Grade 11 at Grade 12, at 1.9% sa mga umabot ng kolehiyo.
Kaya patuloy nating isinusulong na dapat tutukan nang husto ang pagbaba ng bilang ng maagang pagbubuntis sa mga kabataang kababaihan.
Naniniwala ang inyong lingkod na mahalagang estratehiya na mapanatili sila sa mga paaralan para maiwasan ang paglobo ng kaso ng maagang pagbubuntis at magabayan sila laban sa mga panganib nito.
Sa tulong ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) na itinuturo sa mga paaralan, matitiyak natin na may akma at wastong edukasyon ang mga batang kababaihan upang mapangalagaan nila ang kanilang kalusugan at magandang kinabukasan.
Noong nakaraang taon ay inihain na natin ang Proposed Senate Resolution No. 13 na nagsusulong ng pagdinig hinggil sa bilang ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan at ang patuloy na pag-akyat ng kaso ng human immunodeficiency virus infections sa bansa. Layon ng imbestigasyon na pag-aralan ang kasalukuyang polisiya ng CSE ng Department of Education (DepEd) upang malaman ang lawak o saklaw nito at kung gaano ka-epektibo ang implementasyon nito.
Sabay-sabay nating itaguyod ang krusadang ito dahil bilang mga pag-asa ng bayan, kailangang makatapos sila ng pag-aaral at magkaroon ng magandang kinabukasan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
留言