ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | january 3, 2024
Simula nang pagpasok ng Christmas season ay sumalubong sa atin, lalung-lalo na sa Metro Manila, ang matinding traffic.
Inaasahan naman ang ganitong pangyayari dahil maraming gustong umuwi sa kani-kanilang mga probinsya para makasama ang kanilang mga pamilya.
Nar’yan din ang mga kababayan nating nais mamili ng regalo at handa para sa kanilang mga pagtitipon.
Ang naging panawagan natin sa Department of Transportation (DOTr) ay tutukang mabuti ang kalagayan ng ating mga terminal at airports. Gayundin, na halos nagbabalikan na ngayon sa kanilang mga trabaho ang mga nagsipagbakasyon.
☻☻☻
Sana, self-aware na ang ating mga opisyal ng DOTr dahil ayaw na rin nating maulit muli ‘yung nangyaring ‘di magandang experience ng mga kababayan nating biyahero noong taong 2023.
Matatandaang noong Enero 1 at Mayo 1 ng nakaraang taon ay nagkaroon ng maraming technical at operational glitches ang ating mga airport na naghatid ng hindi kaaya-ayang experience sa ating mga pasahero.
Hindi lamang sa airports ang dapat na bantayan. Kailangan din nating tutukan ang mga pantalan at mga pampasaherong barko, mga bus sa public terminals, at iba pang mode of transportations dahil tiyak na magdadagsaan na ang mga pabalik ng Maynila na nagbakasyon mula sa kanilang probinsya.
Ang punto natin ay maging maayos at matiwasay ang pagbibiyahe ng mga kababayan nating galing sa kani-kanilang lalawigan.
Inaasahan natin na lahat ng mga barkong maglalayag ay sea-worthy at walang overbooking. Maging sa ating mga bus terminals, magkaroon sana ng simplified system para sa mga pasahero para mapadali ang security screenings.
Hindi naman ito bago sa atin maging sa DOTr at umaasa ako na gagawin ng DOTr sa pamumuno ni Sec. Jaime Bautista ang lahat para maging maayos talaga ang pasok ng Baong Taon at safe ang ating mga biyahero.
☻☻☻
Patuloy pa rin tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask ‘pag kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments